Patuloy na ipinapamalas ni senatorial aspirant Luis “Manong Chavit” Singson ang kanyang malasakit sa kapwa sa pangunguna ng pamamahagi ng tulong sa higit 3,000 residente ng San Pedro sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program.
Layunin ng TUPAD, na isang programa ng pamahalaan, na magbigay ng emergency employment sa mga nawalan ng trabaho, underemployed, at seasonal workers. Ayon kay Singson, ang aktibidad ay hindi lamang simpleng pamamahagi ng tulong kundi isang hakbang rin upang maging mas mulat ang mga mamamayan sa mga oportunidad na makatutulong sa kanila.
Bilang bahagi ng kanyang adbokasiya, isinusulong ni Manong Chavit ang paggamit ng digital banking sa pamamagitan ng kanyang proyekto na VBank. Aniya, layon nitong gawing mas mabilis at ligtas sa korapsyon ang pamamahagi ng tulong mula sa gobyerno.
“Padadaliin ng VBank ang serbisyong ipapaabot ng pamahalaan at makakasiguro tayo na walang mangyayaring corruption,” saad ni Singson. Dagdag pa niya, ang katiwalian ay isa sa mga dahilan kung bakit hindi nararamdaman ng mga mamamayan ang epekto ng mga programa ng gobyerno.
“Bawat singko na ninanakaw sa kaban ng bayan ay perang kinukuha sa mga naghihikahos na pamilyang Pilipino,” aniya.
Bukod dito, nangako si Singson na isusulong ang malawakang reporma laban sa graft at corruption kapag nanalo siya sa Senado. Sa kanyang panukalang mga reporma, titiyakin niyang bawat piso ng pondo ng bayan ay makarating nang buo sa mga nangangailangan.
Bilang bahagi ng kanyang kampanya, inanunsyo rin ni Singson ang kanyang "58-day raffle," kung saan 58 katao ang mananalo ng P5,800 bawat araw, at isang masuwerteng kalahok ang mag-uuwi ng P580,000 sa pagtatapos ng programa.
Pinuri rin niya ang mainit na pagtanggap ng mga residente ng San Pedro at sinabing patuloy siyang magtatrabaho para sa tunay na pagbabago at progreso ng bansa.
“Kapag sinabi ko, gagawin ko,” wika ni Manong Chavit, na tumatakbo sa pagka Senador sa 2025 mid-term election.