Inilahad ni senatorial candidate Luis "Manong Chavit" Singson ang kahalagahan ng integridad at pagkakaroon ng isang salita bilang pundasyon ng matagumpay na pamumuno sa pagdiriwang ng ika-202 anibersaryo ng Divine Word College of Vigan, Ilocos Sur, noong Sabado.
"Kapag sinabi ko, gagawin ko, dahil may isang salita ako," pahayag ni Manong Chavit sa harap ng alumni, lokal na lider, at mga dumalo sa selebrasyon.
Binigyang-diin ni Singson na ang kredibilidad at integridad ay mga "non-negotiable" na katangian na dapat isabuhay ng bawat lider, personal man o pampublikong buhay. Ayon pa sa kanya, palagi siyang pinapaalalahanan ng kanyang ama na ang reputasyon ay pundasyon ng epektibong paglilingkod.
"Hindi lang dapat puro pangako, dapat tinutupad ito. Dapat may isang salita," dagdag niya, habang binanggit ang kanyang pagiging Number 58 sa Senate ballot.
Ibinahagi rin ni Singson ang papel ng Divine Word College sa kanyang paghubog bilang lider. Sa kanyang mensahe, pinasalamatan niya ang institusyon sa mahalagang ambag nito sa kanyang tagumpay bilang public servant.
Nagpahayag naman ng suporta si Noel Meinrado F. Plete, miyembro ng Batch 1984, na sinabing, "Kailangan natin sa Senado ang taong may isang salita."
Tampok rin sa talumpati ni Manong Chavit ang mga platapormang isinusulong niya, kabilang ang modernisasyon ng public utility vehicles (PUVs). Ipinahayag niya ang kahandaan niyang gumastos mula sa sariling bulsa upang mabigyan ng electric vehicles ang mga drivers at operators, nang walang interes o downpayment.
"Walang interes at walang downpayment. Ako lang ang gumagawa ng ganoon," ani Singson. Bukod dito, ibinahagi niya ang "VBank" initiative, na naglalayong tugunan ang pagiging "unbanked" ng 77 porsyento ng mga Pilipino, upang mabigyan sila ng mas madaling access sa banking services.
Samantala, pinuri ni Ilocos Sur Gov. Jerry Singson, na isa ring alumnus ng Divine Word College, ang institusyon dahil sa tagumpay nitong makapag-produce ng mga kilalang lider sa loob ng mahigit 200 taon.
"Ang institusyong ito ay nakapag-produce ng mga prominente at kilalang tao sa kasaysayan ng Ilocos," ani Gov. Singson, na binigyang-diin ang papel ng paaralan sa paglinang ng mga lider na may integridad at isang salita.
Ang tagumpay ni Manong Chavit bilang lider at ang pagbabagong idinulot niya sa Ilocos Sur—mula sa pagiging isa sa pinakamahirap na probinsya patungo sa panglima sa pinakamayaman—ay patunay ng kanyang pananaw na ang integridad at pagkakaroon ng isang salita ang sandigan ng tunay na paglilingkod.