DYARYO TIRADA

Libreng review tagumpay

TDT

Dumami ang mga pamantasan ng bayan na tumaas ang bilang ng kanilang mga nakakapasang estudyante sa panlisensyang eksaminasyon para sa mga agrikulturista. Tanda ito ng tagumpay ng libreng online review na isinagawa ng University of the Philippines Los Banos. Ang libreng review ay programa ng Commission on Higher Education (CHED).

Labing anim na porsyento puntos ang itinaas ng bilang ng mga nakakapasang nagsusulit ng mga state universities and colleges. Sandaang porsyento ang naitala naman ng mga institusyong nasa malalayong rehiyon tulad ng Sulu State College, Tawi-Tawi Regional Agricultural College at Romblon State University.

Ayon sa pinuno ng CHED na si Prospero De Vera III, ang mga estudyante sa mga nasabing paaralan ay madalas hindi nakakapasa sa pagsusulit na pansilisensya sa agrikulturista dahil sa kakulangan ng mga review center sa kanilang lugar. Mahirap sa kanila ang lumuwas pa sa Maynila upang makapag-review dahil sa kakulangan sa pamasahe.

Upang solusyunan ang problema, hinikayat ng CHED ang UPLB, ang nangungunang pamantasan sa larangan ng agrikultura o pagsasaka.

Dahil sa matagumpay ng online review para sa mga nagsusulit para sa lisensya ng agrikulturista, palalawigin ng CHED ang programa at magbibigay rin ng libreng online review sa mga pagsusulit sa

forestry, veterinary medicine, nursing at teacher education simula sa susunod na taon.

Kung sana noon pa ay may libreng online review na, mas marami marahil ang mga nakapagtapos sa agrikultura na kailangang-kailangan ngayong panahon.

Sa dami ng matatandang mga magsasaka sa bansa at kakulangan ng kapalit sa nila na magpapalago sa produksyon sa agrikultura, mahalagang maparami ang mga lisensyadong agrikulturista na siyang magpapatuloy sa propesyon ng nagreretirong magsasaka. Sila ang inaasahan para sa seguridad sa pagkain ng ating bansa.

Kaya marapat lamang na magkaroon ng programang libreng online review hindi lamang sa mga kumukuha ng lisensya bilang agrikulturista kundi para sa lahat ng mga estudyanteng nasa malalayong lugar na walang review center.