DYARYO TIRADA

Iwas kamatayan

TDT

Magandang balita sa pamilya ni Mary Jane Veloso ang pagpapauwi sa babaeng nahatulan ng kamatayan sa Indonesia dahil sa pagpupuslit ng droga sa bansang iyon sampung taon na ang nakalilipas.

Hindi man nagtatapos ang kalbaryo ni Mary Jane dahil naiulat na itutuloy lamang niya ang sintensya sa kulungan sa Pilipinas, ang pagiging nasa sariling bansa at malapit sa pamilya ay pampalubag-loob na. Hindi rin naman malayo na tuluyan na siyang makalaya dahil sa simula’t sapul ay posisyon na ng pamahalaan na biktima si Mary Jane ng mga sindikato ng droga.

Sa katunayan, iyon ang depensang pinanindigan ng mga abogado niya sa Indonesia nang inaapela ang hatol na kamatayan sa kanya.

Kumalap pa ng mga ebidensya ang pamahalaan natin upang palakasin ang depensa kay Mary Jane at ipagtanggol siya nang husto. Maraming oras, pagod at gastos ang nagugol ng gobyerno mailigtas lamang ang buhay ng inang nais lamang makapagtrabaho sana sa Indonesia subalit naging bangungot dahil sa pagkakadawit sa kanya sa pagpupuslit ng droga.

Ang pag-uwi ni Mary Jane ay resulta ng pagpupursige ng gobyerno na iligtas ang kanyang buhay. Salungat ito sa mga nangyaring pagpatay ng mga pulis sa mga hinihinalang drug addict at drug pusher sa Pilipinas noong kasagsagan ng Oplan Tokhang.

Maituturing rin na dalawang ulit na nailigtas ang buhay ni Veloso. Una ay hindi natuloy ang pagbitay sa kanya dahil sa patuloy na apela ng pamahalaan ng Pilipinas mula nang siya’y hatulan ng kamatayan sa Indonesia. Ang ikalawa, sa kanyang pagkakakulong sa Indonesia ay nakaiwas siya sa tokhang na nagsimula noong nakaraang administrasyon.

Bago pa man makabalik si Mary Jane sa bansa, may naiulat na agam-agam ng kanyang mga kaanak tungkol sa kanyang kaligtasan sa bansa dahil umano may banta sa kanyang buhay mula sa mga may kinalaman sa kanyang pagkakahuli at pagkakakulong sa Indonesia.

Sakaling magiging pagkakataon ang pag-uwi ni Mary Jane na mahuli ang mga nagpupuslit ng ilegal na droga sa ibang bansa, makabubuti ito upang makamit niya ang tunay na hustisya at mapatotoong inosente at wala siyang pagkakasala.