Puspusan ang pagpapatupad ng pagbabawal ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga tinatawag na offshore gaming operation o mga online pasugalan at casino sa bansa. Sinasalakay ng mga pulis ang mga gusaling hinihinalang ginagamit para sa pagpapatakbo ng mga ganitong online games.
Ilang gusali na ng mga tinaguriang POGO sa Metro Manila at sa probinsya ang ipinasara at ang mga dayuhang manggagawa na dinatnan roon ay hinuli upang pabalikin sa kanilang bansa sa Tsina at Timog-Silangang Asya.
Wala namang gulo ang nangyari sa pagsalakay sa mga opisina ngPOGO. Subalit isang pagsalakay sa isang business process outsourcing o BPO sa Bagac, Bataan ay naging kontrobersyal dahil sa karahasang sinapit ng isang manggagawa roon. Sa viral video ng insidente na kuha mula sa CCTV camera ng opisina, nakitang sinampal ng tagapagsalita ng Presidential Anti-Organized Crime Commission, na siyang naglunsad ng pagsalakay, ang isang lalaking manggagawa roon.
Hindi pa nakuntento ang mga taga-Komisyon, isang tauhan nito ang sumuntok sa tiyan ng sinampal na lalaki.
Masama ang naging epekto ng pananampal at panununtok hindi lang sa biktima kundi sa mga nanampal at nanuntok. Unang nasuspinde ang nanampal at batay sa huling ulat ay sasampahan siya at ang isang tauhan niyang nanuntok ng kaso ng biktima.
Sa kasong isinampa ng biktima laban sa mga nanakit sa kanya opisina ng provincial prosecutor sa Balanga City nitong Lunes, nilabag umano ng mga akusado ang Article 359 ng Revised Penal Code o slander by deed.
Malakas na ebidensya ng nagdemanda ang kuha ng pananakit sa kanya mula sa CCTV camera ng sinalakay na opisina ng BPO.
Sa mga ulat ay sinabi ng nanakit na sinampal niya ang biktima dahil sa pagpapakita ng nakakainsultong gitnang daliri. Ayon naman sa biktima ay hindi niya ito ginawa at nagalak lamang nang marinig na sila’y pakakawalan na ng mga awtoridad na humuli sa kanila.
Sakaling matalo ang akusado sa kaso, maaaring tuluyang mawalan siya ng trabaho at magbabayad pa ng danyos sa biktima.
Sa mga kawani ng pamahalaan na umaabuso ng kapangyarihan, ang kapalit at mawalan ng trabaho.