Taliwas sa nais ng batas at gobyerno na isa na lamang ang gagamiting ID ng bawat mamamayan, naglabas ng bagong ID ang Philippine Postal Corporation.
Sa paglulunsad ng bagong Postal ID na para sa mga kliyente ng ahensya ng liham, ibinida ang high-tech na smart card na kayang kilalanin ang may-ari nito, di hamak na mas moderno kaysa sa National ID ng Philippine Statistics Office.
Ang paglulunsad ng nasabing Postal ID ay kasabay ng pagdiriwang ng PPC sa ika-257 anibersaryo nito. Sinabi ng mga opisyal ng PPC na magagamit ang bagong Postal ID para sa pagpapakilala ng mayhawak nito sa ibang opisina ng pamahalaan upang makakuha ng serbisyo publiko. Ibig sabihin lang nito na katulad ito ng National ID. Na nangangahulugan na dalawang ID ang pinaiiral ng pamahalaan.
Sa katunayan ay hindi lang may kakambal ang National ID. Mayroon ding sariling ID ang Social Security System, Government Service Insurance System, Pag-IBIG Fund at PhilHealth. Mayroon pa ring National Bureau of Investigation, Tax Identification Number, Voter at Driver’s License ID ng Commission on Elections.
Sari-saring ID pa rin ang naglipana at kinokompetensya ang National ID na siyang dapat na nag-iisang pagkakakilanlan ng mga mamamayan at kikilalanin ng mga ahensya ng pamahalaan para sa mas mabilis na serbisyo.
Sa pagbubukas ng mga bank account, pangungutang at pagsubscribe ng linya ng telepono, tubig at kuryente, maraming ID ang maaaring gamitin sa aplikasyon, imbes na isa na lamang.
Sumatutal, walang silbi rin ang National ID dahil nawalan ng saysay ang hangarin nito.
Marahil ay kakailanganin ng batas na nagbabawal sa mga ahensya ng gobyerno na mag-isyu ng ID at tanging National ID lamang ang kikilalanin. Dapat ring pasunurin rito ang mga bangko at kumpanya ng kuryente, tubig at telepono na humihingi ng kung anu-anong ID para sa kanilang aplikasyon.
Kung tutuusin, ngayong panahon na may digital ID o SIM card na, hindi na kailangan pa ng tradisyunal na ID. Maaari na lamang ipakita ito gamit ang mobile phone kung saan nakalagay ang kopyang digital ng National ID.
Kung sangkaterbang ID pa rin ang paiiralin sa bansa, bakit pa natin kailangan ng National ID?