Ang Bagyong “Marce” ay bumangga sa hilagang-silangan ng Luzon kahapon at bumunot ng mga puno matapos mag-iwan ng hindi bababa sa 150 kataong patay ang nagdaang dalawang malalakas na bagyo.
Mahigit 21,000 katao sa buong 200 nayon sa lalawigan ng Cagayan ang inilikas sa mga oras bago ang landfall ni “Marce” sa kalagitnaan ng hapon, sinabi ng opisyal ng kalamidad sa probinsiya na si Rueli Rapsing.
“May mga debris na lumilipad sa paligid. Dito sa Gonzaga, lumipad ang isang buong hamburger stand at binubuksan ng hangin ang mga pintuan ng tindahan sa pampublikong pamilihan,” sinabi ni Rapsing sa Agence France-Presse sa pamamagitan ng telepono mula sa Gonzaga, isang bayan malapit sa baybayin ng Santa Ana.
Si “Marce” ang pangatlong bagyo sa loob ng wala pang isang buwan na nagbabanta sa Pilipinas matapos ang Severe Tropical Storm “Kristine” at Super Typhoon “Leon” na magkasamang nag-iwan ng 158 katao na patay, sinabi ng pambansang ahensya ng kalamidad, kung saan karamihan sa mga tally na iyon ay naiugnay sa Trami.
Taglay ang pinakamataas na lakas ng hangin na 175 kilometro bawat oras at pagbugsong aabot sa 240 kbo, ang bagyo ay tumama sa baybaying bayan ng Santa Ana at mga kalapit na lugar, na nagpakawala ng malakas na ulan at nagwasak ng mga bahagi ng mga bahay.
Sinabi ni Rapsing na nabunot ng bagyo ang mga puno at sinisikap ng mga awtoridad na kumpirmahin ang mga ulat na nasira ang Santa Ana police station. Walang naiulat kaagad na nasawi.
Ang pagtugon sa kalamidad ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan ay isinasagawa mula sa isang pampublikong gusali sa Gonzaga, aniya.
Ang mga opisyal ng Santa Ana ay hindi maabot para sa komento.
Sinabi ng national weather agency na ang Cagayan, tahanan ng humigit-kumulang 1.3 milyong katao, ay maaaring makaranas ng bagsik ni “Marce” batay sa kasalukuyang direksyon nito.
Sa lalawigan ng Ilocos Norte malapit sa Cagayan, naka-standby ang mga rescuer para tumulong sa mga lokal na pulis, bumbero at sundalo sa pagtugon sa emerhensiya, sinabi ng opisyal ng rescue ng probinsiya na si Randy Nicolas sa AFP.
Sinabi ni Nicolas na mahigpit nilang binabantayan ang posibleng pagguho ng lupa, pagbaha at paglaki ng mga ilog sa lalawigan, na may mga storm surge -- malalaking alon sa baybayin, na ikinababahala din sa Ilocos Norte at Cagayan.
Sinabi ng mga opisyal ng kalamidad sa bulubunduking lalawigan ng Apayao na halos 500 katao na ang inilikas.
“Talagang inuna namin ang preemptive evacuations dahil gusto naming magkaroon ng zero deaths dito sa Apayao,” sinabi ng opisyal ng kalamidad sa probinsiya na si Aldrin Agmata sa AFP.
Sinabi ng state weather service na tatawid si “Marce” sa hilagang baybayin ng pangunahing isla ng Luzon sa magdamag bago bumubulusok sa South China Sea ng Biyernes.
Sinuspinde ang mga klase sa maraming lugar sa hilaga at inilagay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mataas na alerto ang lahat ng ahensya ng gobyerno upang mabilis silang makatugon.
“Remember, every life is important so we should always be prepared,” pahayag ni Marcos noong Miyerkules.