Inihayag ng mga otoridad na nadagdagan pa umano ang lakas ng bagyong Marce na nasa loob na ngayon ng Philippine area of responsibility (PAR) at kung matatandaan, pumasok ito sa karagatang sakop ng bansa bilang tropical depression at ngayon ay agad na itong umakyat sa pagiging tropical storm.
Ayon sa state weather bureau PAGASA, huling namataan ang sentro ng sama ng panahon sa layong 935 km sa silangan ng Eastern Visayas at taglay nito ang lakas ng hangin na 65 km/h malapit sa gitna at may pagbugsong 80 km/h.
Kumikilos ito nang pakanluran hilagang kanluran sa bilis na 25 km/h at inaasahang lalakas pa ito bago makalapit sa landmass.
Kung hindi magbabago ang takbo nito ay posibleng mag-landfall sa extreme Northern Luzon, partikular sa Batanes.
Samantala, aabot naman sa mahigit P107-M na halaga ng cash aid ang naipamahagi ng DoLE sa mahigit 24,000 na mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantage (TUPAD) Workers sa Bicol Region.
Ito ay matapos na labis na maapektuhan ng bagyong Kristine ang naturang rehiyon at libo-libong residente ang sinalanta ng bagyo.
Inilaan ng DoLE ang P100.9-M sa mahigit 23,000 benepisyaryo ng TUPAD program sa lalawigan ng Camarines Sur.
Sinundan ito ng lalawigan ng Albay na kung saan aabot sa higit isang libong benepisyaryo ang nakinabang sa P4,321,300 na tulong pinansyal.
Nabigyan rin ng P1.29-M halaga ng ayuda ang 218 benepisyaryo mula sa lalawigan ng Catanduanes habang P718,900 naman ang iniabot sa 182 benepisyaryo ng tupad sa lalawigan ng Masbate.
Sa ibang balita, nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa matagal na pagkakalantad sa asupreng ibinubuga ng bulkang Kanlaon.
Ito ay matapos na magbuga ang Kanlaon ng kabuuang 5,177 tonelada ng sulfur dioxide nitong Linggo.
Ayon sa ahensiya, maaaring magdulot ng iritasyon sa mata, lalamunan at respiratory tract ang usok. Nagbabala din ang Phivolcs sa mga indibidwal na may health conditions gaya ng asthma, buntis at bata na sensitibo sa mga usok o singaw mula sa bulkan.
Samantala, nagbuga din ang bulkan ng makapal na plume na umabot sa 350 metro ang taas na napadpad sa timog-kanlurang direksiyon. Nananatili namang namamaga ang edipisyo ng bulkan.
Nakapagtala din ng 5 pagyanig sa bulkan sa nakalipas na 24 oras.
Sa ngayon, nananatiling nasa Alert level 2 ang Kanlaon dahil sa increased unrest kasunod ng naitalang pagputok noong Hunyo ng kasalukuyang taon.