FILE PHOTO: National Defense Secretary Gilbert "Gibo" Teodoro 
DYARYO TIRADA

DND: MAGING ALERTO SA BAGYONG KRISTINE

Kitoy Esguerra

Inihayag ng Department of National Defense nitong Lunes na dapat maging handa ang mga mamamayan ngayong nagsisimula nang manalasa ang bagyong Kristine sa bansa.

Ayon kay Defense Secretary Gilbert Teodoro, dapat maghanda at manatiling alerto ang publiko sa inaasahang epekto ng bagyong Kristine at kahit bago pa man pumasok sa Philippine Area of Responsibility ang panibagong bagyo, nagpaalala na ang kalihim sa publiko na maging maagap sa pagpaplano at manatiling updated kaugnay sa bagyo para matiyak ang kahandaan.

Nakikipag-tulungn na rin umano ang ahensya sa lahat ng concerned agencies para makabuo ng isang komprehensibo at iisang action plan.

Base sa pagtaya ng Department of Social Welfare and Development, nasa mahigit isang milyong mga indibidwal ang posibleng maapektuhan ng bagyo.

Samantala, nagsuspinde ng klase ang ilang lokal na pamahalaan sa Luzon at Visayas nitong Lunes dahil sa masamang panahon dulot ng bagyong Kristine.

Sa Luzon, kanselado ang klase sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan sa lalawigan ng Cavite, Camarines Norte at Camarines Sur.

Sa Visayas, walang pasok sa lahat ng antas sa public at private sa Dagohoy, Bohol at Panay, Capiz.

Nitong Lunes nang pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Tropical Depression Kristine at tinatayang mas lalakas pa bilang bagyo.

Nakataas na ang yellow rainfall alert sa mga lalawigan ng Quezon at Laguna habang patuloy na lumalapit ang bagyong Kristine.

Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 870 km east of Eastern Visayas.

May lakas ito ng hangin na 55 kph at may pagbugsong 70 kph.

Kumikilos ito ng West-South-West direction sa bilis na 30 kph.

Nakataas na ang signal No. 1 sa Catanduanes, Masbate, kasama ang Ticao Island at Burias Island, Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Camarines Norte, at eastern portion ng Quezon (Tagkawayan, Guinayangan, Buenavista, San Narciso, San Andres).

Sa Visayas naman, apektado ang Eastern Samar, Northern Samar, Samar, Leyte, Biliran, at Southern Leyte habang sa Mindanao naman ay apektado ang Dinagat Islands and Surigao del Norte kasama na ang Siargao – Bucas Grande Group.

Kung magpapatuloy ito sa kaniyang direksyon, magkakaroon ng landfall sa Cagayan Valley pagsapit ng Biyernes na may typhoon intensity.