Walang lugar sa mundo ang hindi kayang abutin ng modernisasyon. Maging sa liblib na pamayanan sa kabundukan o kagubatan, kaya ng teknolohiya na iparating sa mga naninirahan roon ang makabagong kaalaman at kasanayan para sa pagsulong ng kanilang pamumuhay.
Hindi dapat maliitin ang mga tradisyunal na magsasaka na sa unang tingin ay pagtatanim lamang ang nalalaman. Para sa mga pamilya ng mga magsasaka ng Barangay San Isidro, Marihatag, at Sitio Mabuhay, Barangay Kahayagan sa Tagbina, sa parehong probinsya ng Surigao del Sur, tila mas high-tech pa silang maituturing kaysa sa mga kabataan sa mga lungsod na gumagamit ng Wi-Fi signal na galing sa mga 4G at 5G cell sites. Bakit hindi kung sila ay kumokonekta sa Internet sa pamamagitan ng Starlink o satellite.
Ang Wi-Fi signal mula sa satellite ang mas angkop na teknolohiya sa mga lugar na hindi abot ng mga cell sites. Kaya tama lang na ito ang ginamit ng Department of Information and Communications Technology, United States Agency for International Development BEACON at unconnected.org upang magtatag ng network sa lugar. Makakakonekta sa Internet ang 100 hanggang 150 katao gamit ang Starlink, ayon sa kanila.
Ang San Isidro Abaca Farmers Organization na kinabibilangan ng mga benepisyaryo ng repormang agraryo ang mamamahala sa network nila. Ito’y makakatulong sa kanilang negosyo na pagtatanim ng abaca at paghahabi ng bag at basket gamit ang hibla mula sa abaca. Mailalako nila ang kanilang produkto sa mas malawak o mas maraming mamimili sa Internet. Tuturuan sila ng mga taga-Department of Agrarian Reform kung paano nila maipakikilala ang kanilang itinitinda gamit ang Internet.
Ang mga nagtatanim naman ng kape at niyog sa Kahayagan, gagamitin ng kanilang grupo, ang Mabuhay Kahayagan Coffee Growers Cooperative na may 180 miyembro, ang Starlink Internet para itinda nila ang kanilang produkto sa mas nakararaming mamimili.
Libre sa mga magsasaka ang Internet mula sa Starlink, gayundin sa mga estudyante at mga guro ng 398 pampublikong paaralan sa bayan. Papalitan ng DICT na mas angkop at mas mataas na uri ng computer ang mga gagamit ng Starlink, kasama na ang pagsasanay nila upang mapakinabangan ng husto ang teknolohiya.
Sa makabagong koneksyon ng mga taga-probinsya, kaunlaran ang katumbas at kaginhawaan ng pamumuhay ang tatamasain nila.