DYARYO TIRADA

PINAS, NUMERO UNO PA RING IMPORTER NG BIGAS

Kitoy Esguerra

Inihayag ng United Staes Department of Agriculture nitong nakaraan na inaasahang mag-aangkat ng mas marami pang bigas ang Pilipinas sa mga susunod na taon kaya’t nananatili pa rin itong numero uno sa pag-aangkat ng bigas sa buong mundo.

Ayon sa USDA, ito ay bunsod na rin ng epekto ng El Niño, La Niña, at nagdaang mga bagyo sa local production.

Base sa pinakahuling ulat mula sa USDA, tinatayang papalo sa 4.7 million metric tons (MT) ang rice imports ng bansa ngayong 2024.

Ito ay 2.2 porsiyento na mas mataas mula sa naunang pagtaya na 4.6 million MT bunsod ng malakas na demand ng bigas mula sa bansang Vietnam.

Pagsapit naman ng 2025, inaasahang tataas pa ang rice imports ng bansa sa 4.9 million MT dahil sa mas kaunting ani ng mga lokal na magsasaka.

Ang panibagong pagtaya ng USDA ay alinsunod sa mas mataas na forecast para sa pandaigdigang rice imports ngayong taon, na iniuugnay sa pagtaas ng demand ng bigas mula Malaysia at Nepal.

Nitong nakaraan, sinimulan ng ibenta ang mas murang bigas na mabibili sa presyong P43 kada kilo sa mga Kadiwa stores ng Department of Agriculture, mas mababa ng P2 kesa sa inisyal na ibinibentang P45 kada kilong bigas sa ilalim ng Rice for All Program.

Ang naturang program ay inilunsad sa Barangay Daang Bakal sa Mandaluyong City.

Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., natutuwa siya sa mainit na pagtanggap ng publiko sa programa ng pamahalaan.

Nilinaw din ng kalihim na walang ilalabas na salapi ang ahensiya para i-subsidize ang bigas dahil ang aktwal na presyo mula sa mga magsasaka ay direktang ibinibenta sa mga mamimili. Iginiit pa ng DA chief na ang P43 kada kilo na bigas ay hindi budol at hindi malulugi ang gobyerno at Kadiwa dito.

Umaasa si Laurel na magpapatuloy ang programa dahil mayroon pa aniyang sapat na suplay ng bigas na maibebenta hanggang sa Pebrero ng susunod na taon.

Samantala, bagamat walang limitasyon sa pagbili ng P43 kada kilong bigas, umapela ang kalihim sa publiko na bumili lamang ng sapat para sa consumption ng kanilang pamilya at huwag gawing negosyo.

Kung matatandaan, tinataya ng National Food Authority (NFA) ang mahigit sa kalahating bilyong kita mula sa mga naibenta nitong bigas ngayong 2024.

Ito ay matapos aprubahan ng NFA council ang price hike na P38 kada kilo ng bigas na ibinibenta sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pang ahensya ng gobyerno.

Sinabi ng NFA, pinayagan ng DSWD na miyembro rin ng council ang nasabing halaga ng produkto.