Maraming paraan upang maibsan ang sakit sa bulsa na dulot ng inflation. Naririyan ang pagdodoble- kayod ng mga manggagawa upang magkaroon ng dagdag na kita. Naririyan rin ang pagtataas ng sahod ng mga manggagawa sa panig ng mga negosyante.
Sa panig ng gobyerno, ang manakanakang pagbibigay ng ayuda, pagkain man o pera, sa mga mahihirap na pamilya ay nakakapantawid-gutom kahit paano. Ang mga magsasaka at mga tsuper ay binibigyan rin ng subsidiya sa irigasyon o pambili ng gasolina para makapasada.
Kapansin-pansin ang istratehiya ng Social Security System na nakipagkasunduan sa mga kooperatiba ng mga tsuper at mga negosyong nagpapatakbo ng mga tinatawag na ride-hailing app o mga transport network company (TNC).
Upang lumago ang koleksyon sa kontribusyon ng SSS, nakipagkasunduan ito sa mga TNC na ipa-miyembro ang kanilang mga freelance riders o nagmamaneho ng motorsiklo para sa paghahatid ng mga pasahero. Ang pagpayag naman ng mga TNC na ipamiyembro ang kanilang mga driver at rider kahit pa kalahati ng kontribusyon nila ay kanilang papasanin ay kahanga-hanga dahil malaking tulong ito sa mga hindi itinuturing na mga empleyado.
Karaniwang mga manggagawang may regular na trabaho ang itinuturing na employed at kahati nila ang kanilang amo sa pagbabayad ng kontribusyon sa SSS upang makakuha ng mga sari-saring benepisyo sa ahensya ng pensyon. Kung walang kahati, medyo mabigat sa bulsa ang pagbabahagi ng kanilang sweldo sa SSS bilang ipon para sa kanilang pensyon kung sila’s magretiro na.
Sa madaling salita, sa pagtutulungan ng tatlong partido, lahat ay nakikinabang. May pondong nalilikom ang SSS mula sa mga tauhan ng TNC, mas darami ang mga trabahador ng mga TNC dahil maeengganyo silang sumanib sa kumpanyang magsusubsidiya ng kanilang kontribusyon sa SSS, at gagaan ang kaltas sa sweldo ng mga driver at rider dahil kahati nila sa kontribusyon ang mga employer. Samakatuwid, lahat ay masaya dahil lahat ay may pakinabang sa isa’t isa.
Mainam talaga ang hating-kapatid.