Philippine National Police (PNP)  Philippine National Police (PNP)
DYARYO TIRADA

SEGURIDAD BAGO ANG ELEKSYON PAIIGTINGIN

Kitoy Esguerra

Inihayag ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na inatasan na nito ang mga police units sa buong bansa na paigtingin at higpitan pa ang seguridad laban sa mga armadong grupo na maaaring makagambala sa paparating na campaign period para sa 2025 elections.

Ayon kay PNP chief Police General Rommel Marbil, ginawa niya ang direktiba kasabay ng nagpapatuloy na paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa 2025 polls na magtatapos sa Oktubre 8.

Dagdag niya, kritikal ang kanilang tungkulin sa pagtiyak ng ligtas at patas na kapaligiran para sa lahat ng kandidato maging sa publiko.

Ayon kay Marbil, tututukan ng puwersa ng pulisya ang mga lugar na may kasaysayan ng karahasan na may kaugnayan sa halalan sa pamamagitan ng pagtaas ng police visibility, paglalagay ng mga checkpoint, at patuloy na pagsubaybay sa naturang mga lugar.

Nauna ng naglabas ng mahigpit na babala si Marbil sa lahat ng pulis laban sa pagsisilbi sa mga pulitiko.

Ipinaalala rin niya sa kanila ang kahalagahan ng pagpapanatili ng mahigpit na neutralidad at pag-iwas sa pakikibahagi sa mga gawaing pampulitika.

Samantala, nagsumite na ng listahan ng ‘Potential Election Areas of Concern’ ang PNP sa Commission on Elections (Comelec).

Ayon kay PNP Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, ang isinumite nilang listahan ay nakadepende sa Comelec dahil sasailalim pa ito sa validation ng joint security council.

Dagdag pa ni Fajardo, mayroon silang apat na kategorya para sa mga validated election-related incidents kung saan maaaring maihanay sa ‘yellow category’.

Sinabi pa ni Fajardo ang naging parameters ng PNP para mapabilang ang isang lugar bilang potential election areas of concern ay ang mataas na kaso ng intense political rivalry at ang presensya ng mga private armed groups.

Ayon naman sa Comelec, sasailalim pa sa validations ang nasabing listahan ng PNP.

Sa ngayon hindi pa nakikita ng Poll body na ideklara ng ‘areas of concern’ ang mga nasabing lugar para sa nalalapit na 2025 midterm elections.

Sa ibang kaugnay na balita, nagbabala ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) kaugnay sa tinatawag nitong Philippine Offshore Gaming Operators o POGO politics dahil maaari umanong suportahan ng ilang indibidwal ang mga kandidato sa 2025 midterm elections.

Ayon kay PAOCC spokesperson Dr. Winston Casio, ang mga POGO ay operational pa rin at posibleng sumusuporta sa mga kandidato para sa darating na halalan kahit na ipinag-utos na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbabawal sa operasyon.

Sinabi din ng opisyal na mayroon pa ring ilang POGO na patuloy na nag-o-operate at nagha-hire pa ng mga karagdagang empleyado kahit na sila ay dapat na huminto na sa operasyon at magsara sa pagtatapos ng taon tulad na lamang sa isang POGO hub na ni-raid kamakailan sa Pasay City.

Ginawa ng PAOCC official ang pahayag kasunod ng paguumpisa ng filing ng COCs ng mga kakandidato kung saan isa sa mga sangkot umano sa ilegal na operasyon ng POGO at criminal syndicates na si dismissed Bamban Mayor Alice Guo ay nakatakdang maghain ng kaniyang kandidatura.