Iniulat ng Department of Social Welfare and Development nitong Martes na pumalo na umano sa 100,000 katao ang apektado ng pananalasa ng bagyong “Julian” sa tatlong rehiyon sa northern Luzon.
Sinabi ni DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao na batay sa datos mula sa kanilang disaster response management, mahigit 29,000 pamilya o mahigit siyamnapu’t siyam na libong katao ang naapektuhan ng bagyo sa tatlong daan at labing-isang barangay sa Regions 1, 2, at sa Cordillera Administrative Region.Nasa 405 na pamilya naman o mahigit 1200 indibiduwal naman ang nananatili sa limampu’t walong evacuation centers. Nakikipagtulungan na ang DSWD sa mga lokal na pamahalaan upang patuloy na mahatiran ng tulong ang mga apektadong residente.Nakikipag-ugnayan na rin ito sa Office of Civil Defense upang magamit ang air at naval assets ng Armed Forces of the Philippines (AFP) upang marespondehan lalo na ang mga pinaka-lubhang sinalanta ng bagyo sa Region 2 partikular sa Cagayan at BatanesNagpadala naman ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng mga heavy equipment para linisin at ayusin ang mga kalsadang naapektuhan ng mga gumuhong lupa at malalaking tipak ng bato sa kalagitnaan ng pananalasa ng bagyong Julian sa northern Luzon.Ayon sa DPWH, ilang mga pangunahing kalsada ang nabagsakan ng mga gumuhong lupa. Sa ilang kalsada naman, gumuho ang ilang bahagi ng mga ito.Marami sa mga ito ay naitala sa Cordillera Administrative Region at Ilocos Region kung saan nagkaroon ng mabibigat na pag-ulan.Ayon sa DPWH, gagamitin ngayong araw ang mga heavy equipment upang linisin at tanggalin ang mga bumagsak na lupa, at bumuo ng mga pansamantalang daanan kapalit ng mga kalsadang hindi na madaanan, tulad ng Apayao-Ilocos Norte road sa pagitan ng Cordillera at Ilocos Region.Pinakiusapan na rin umano ng ahensiya ang mga private contractor para tumulong sa paglilinis sa mga kalsada habang pinayuhan naman ng DPWH ang mga biyahero na mag-ingat sa pagmamaneho at pagbibiyahe sa northern Luzon dahil sa nananatiling malaki ang posibilidad ng rock slide at landslide lalo na sa mga dumadaan sa mga kalsadang malapit sa kabundukan.Samantala, tumaas pa ang lawak ng mga palayan na inaasahang maaapektuhan sa pananalasa ng bagyong Julian sa northern Luzon.Batay sa datos ng Philippine Rise Information System (PRISM), maaaring maapektuhan ang kabuuang 218,425 ektarya ng mga palayan sa hilagang Luzon dahil sa malalakas na paghangin at mabibigat na pag-ulan.Mula sa mahigit 108,000 ektarya na tinataya kahapon, itinaas pa ito ng PRISM sa 218,425 ektarya matapos ang walang tigil na pag-ulan.Malaking bulto nito ay mula sa Cagayan Valley, Ilocos Region, at Cordillera Administrative Region.Ilang mga palayan din sa Central Luzon ang inaasahang maapektuhan, kabilang na ang mga palayan sa Pampanga at Bulacan.Bago ang pananalasa ng bagyong Julian, nakapag-ani na ang mga magsasaka ng hanggang 137,753 ektarya ng mga palayan habang mahigit 131,000 ektarya ng mga palayan ay nasa ripening stage o malapit nang maani.Kabuuang 86,786 ektarya ng mga palayan ay kasalukuyang nasa reproductive stage.Sa ibang balita, nawasak ang isang eroplano sa Basco Airport sa lalawigan ng Batanes sa kasagsagan ng hagupit ng malakas na bugso ng hanging dala ng bagyong Julian.Ayon kay Batanes Governor Marilou Cayco, ito ay 5-seater plane na itinali sa dalawang truck noong Biyernes pero dahil umano sobrang lakas ng bayo ng hangin sa nakalipas na araw, napinsala ang maliit na eroplano.