(FILE PHOTO) Dismissed Bamban Mayor Alice Guo  House of Representatives
DYARYO TIRADA

MGA DATING PNP CHIEFS UMALMA SA GUO ISSUE

Kitoy Esguerra

Isang grupo ng mga dating Philippine National Police (PNP) chief ang humamon sa Philippine Amusement Gaming Corporation at sinabing dapat pangalanan na ng ahensya ang dating hepe na umano’y tumulong kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na makalabas ng bansa.

Kinondena ng naturang grupo na pinangunahan ni Renato de Villa at Edgar Aglipay ang binitawang salita ni PAGCOR senior vice president for Security and Cluster Monitoring Raul Villanueva dahil ang alegasyon nito ay irresponsable umano at nakabase lang sa unvalidated information at tsismis.

Batay sa pahayag, sinabi ng mga dating hepe ng PNP na mabigat umano ang akusasyon na ito ay nagpapahamak at nagdudulot ng kahihiyan sa kanilang lahat na nag-alay ng serbisyo at buhay sa paglilingkod sa bayan at sa mga Pilipino.

Kung matatandaan, sinabi ni Villanueva na isang dating PNP chief ang tumulong kay Guo at nasa monthly payola pa ng pinatalsik na alkalde.

Sa kaugnay na balita, iniutos na ng Pasig Regional Trial Court (RTC) na ilipat ng sa Pasig City jail mula sa detention facility sa Camp Crame sa Quezon City si Guo kaugnay ng kinakaharap nitong kaso na qualified human trafficking.

Sa apat na pahinang kautusan ng Pasig RTC Branch 167, pinapalipat nito sa Pasig City Jail Female Dormitory si Guo na pansamantalang nakadetine sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center.

“[T]he Court finds probable cause to hold accused Alice Leal Guo a.k.a ‘Guo Hua Ping...’ for trial for the crime/s charged against them,” ayon sa korte.

“All the accused in these cases are not entitled to post bail as the charges against them are all non-bailable,” dagdag nito.

Kinasuhan si Guo at iba pang akusado ng paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, as amended by the Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 and the Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022.

Kasama ni Guo sa kaso sina Huang Zhiyang, na tinukoy ng Presidential Anti-Organized Crime Commission na “boss of all bosses” sa ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs); at si Zhang Ruijin.

Naglabas ng arrest warrant ang korte laban kina Huang Zhiyang, Zhang Rujin, Lin Baoying, at dating Technology and Livelihood Resource Center (TLRC) deputy director general Dennis Cunanan.

Ayon naman kay PNP spokesperson PCol. Jean Fajardo, hindi natapos ang mga kinakailangang dokumento para sa agarang paglilipat sa kanya sa kulungan kayat aabutin pa ng Lunes bago tuluyang mailipat si Guo.

Sa kasalukuyan, mananatili muna sa PNP custodial center si Guo.