DYARYO TIRADA

Pasabog

TDT

Alam na ng mga kaaway ng Israel ang hinihinala nilang pasabog ng estado ng mga Hudyo. Literal itong pasabog dahil nagsisabugan ang daan-daang pager na ginagamit ng mga miyembro ng grupong Hezbollah sa Lebanon, na mortal na kaaway ng Israel, nitong Martes. Mga siyam ang nasawi at halos 3,000 iba pang kasapi nito ang nasagutan.

Nadagdagan pa ang mga napinsala sa hanay ng mga Hezbollah nitong Miyerkules naman nang magsisabugan ang mga walkie-talkie na ginagamit nila sa komunikasyon at koordinasyon. Dalawampu naman ang nasawi at may 400 ang nasugatan.

Sa mga ulat mula sa mga ospital na pinagdalhan ng mga nasugatan upang sila’y magamot, sinabi ng mga duktor na kakaibang sugat ang kanilang kinaharap at kailangang gamutin. May mga nasabugan sa kanilang singit, naputulan ng mga daliri at nabulag dahil binabasa nila ang mensahe sa pager nang sumabog ang device.

Sinisisi ng mga biktima at Hezbollah ang atake sa Israel at nanumpa silang gaganti.

Samantala, sinabi naman ng Israel na sisimulan nila ang paglaban sa mga Hezbollah kahit hindi pa tapos ang pakikidigma nila sa Hamas sa Gaza. Malamang na nagsimula na ito at ang hudyat ay ang mga pagsabog ng mga pager at walkie-talkie ng mga Hezbollah.

Marahil ay panimulang atake ang mga pagsabog na ang layunin ay sirain ang komunikasyon at guluhin ang koordinasyon ng kaaway upang madali silang magapi sa oras ng pagsalakay ng mga puwersang Israeli sa Lebanon.

Sa mga nangyayaring ito, inaasahan na ang paglawak ng gulo sa Gitnang Silangan anumang oras dahil sasamantalahin ng Israel ang kaguluhan ng Hezbollah upang sila’y atakihin at sasali ang Iran sa gulo. Iran ang umanoy nagsu-supply ng armas sa Hezbollah at ipagtatanggol ng Tehran ang mga kakampi nito.

Nauna nang nagbanta ang Estados Unidos sa Iran na ipagtatanggol rin nito ang Israel laban sa sinumang aatake rito at nasa dagat ng Gitnang Silangan na ang mga barkong pandigma nito at handang makidigma.

Ito na ba ang simula ng Ikatlong Digmaang Pandaigdig? Kung hindi titigil ang mga nagtutunggaliang partido, malamang nga ay World War 3 na.