Tila napulitika nang husto ang kasalukuyang bise presidente dahil sa kanyang kontrobersyal na pakikitungo sa mga mambabatas na umuusisa sa 2025 budget ng kanyang opisina. Nais ng ilang mambabatas na bawasan o tanggalan ng budget ang Office of the Vice President dahil ayaw makitungo ni Sara Duterte sa mga mambabatas at sumagot sa kanilang mga tanong tungkol sa mungkahi niyang OVP budget para sa susunod na taon.
Nagbitiw rin si Duterte sa kanyang pagiging kalihim ng Department of Education dahil sa pagkwestiyon ng mga mambabatas sa confidential funds ng ahensya, na umano’y hindi malaman kung saan ginastos.
Bukod sa alitan ng OVP at dating DepEd secretary sa mga kongresista, tila nagkalamat rin ang relasyon ni Duterte kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at nabuwag ang kanilang alyansang Unity Team sa nakalipas na halalan na siyang nagluklok sa kanila sa pagkapangulo at pagka-ikalawang pangulo.
Noong panahon ng adminstrasyon ng kanyang amang si Rodrigo Duterte, naging bahagi rin ng gabinete si dating Bise President Leni Robredo ngunit di nagtagal ay tinanggal siya sa pwesto at pinalitan. Sa relasyon naman ng opisina ni Robredo sa Kamara, wala namang naging balakid sa pag-aproba ng kanyang budget.
Mahalaga rin naman ang OVP at hindi lamang naririyang ang bise presidente upang palitan ang pangulo sakaling mamatay siya o hindi na kayang gampanan ang kanyang tungkulin. Gamit ang sariling pondo ay tumutulong ang OVP sa mga mamamayan tulad ng pagtulong ni Duterte sa mahigit dalawang milyong Pilipinong sa buong bansa. Ang dosenang opisina ng OVP na nakakalat sa Luzon, Visayas at Mindanao ay namahagi ng tulong sa pagpapagamot ng mga maysakit at pagpapalibing ng mga namatayan. Namahagi rin ang mga opisina nito ng mga ayuda sa mga nasalanta ng kalamidad at bagyo.
Bagaman malaki ang P4 milyong bayad sa upa ng mga satellite offices ng OVP o P53 milyon kada taon, kailangan ang mga ito upang maabutan ng bise president ng tulong ang mga nasa malalayong lugar o probinsya. Siguro naman ay mas mahalaga ang pag-aabot ng tulong ng mga nasabing opisina kaysa sa gastos sa renta kaya hindi makatwiran o makatarungan na tapyasan ng pondo ang OVP o isara ang mga satellite offices nito. Mahalaga pa rin ang serbisyo publiko lalo na sa mga hikahos sa buhay.