DYARYO TIRADA

Multo ng ‘salagubang’

TDT

Hango raw sa bansag sa isang gang sa pelikulang “The Wild One” ang pangalan ng sikat na bandang Beatles, batay sa isang biography ng grupong mula sa Liverpool, England na sumikat noong dekada 60s. Ang pangalan ng gang ay Beetles o mga salagubang.

May nagsabi rin na ginawang Beatles ang dating pangalan na Silver Beetles at Quarrymen nila John Lennon, Paul McCartney, Ringo Starr at George Harrison bilang pagpupugay sa namatay na si Buddy Holly and the Crickets (kuliglig).

Hindi maganda ang naging karanasan ng mala-insektong banda nang magtanghal sila sa Pilipinas noong 1966. Ayon sa kasaysayan, sila ay ipinasundo sa kanilang hotel ng noo’y Unang Ginang na si Imelda Marcos, ang nanay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., upang magtanghal sa kanyang party sa Palasyo ng Malakanyang noong Hulyo 4, 1966. Ngunit hindi nila sinipot ang okasyon na iniulat ng media at ikinagalit ng ilang mga Pilipino. Sa pag-alis ng Beatles kinabukasan, muntik na silang kuyugin umano ng galit na taumbayan sa airport.

Ang multo ng mga “salagubang” ay tila nanumbalik nitong Setyembre 13, pagkaraan ng 58 taon, nang imbitahan umano ng mga malapit na kaibigan ni Pangulong Marcos ang bandang Duran Duran sa isang hotel kung saan nagdiwang ng kaarawan ang lider ng bansa ngayong linggo. Tulad ng The Beatles, taga Britanya rin, sa Birmingham, ang Duran Duran, na ang pangalan ay hindi hango sa maamoy na prutas na durian kundi sa karakter na si Dr. Durand Durand sa pelikulang “Barbarella” na ipinalabas noong 1968. Ngunit iba ang karanasan ng Duran Duran sa Pilipinas dahil maayos ang kanilang naging pagtatanghal sa pagdiriwang ng birthday ni Marcos Jr. Nasiyahan ang mga nanood sa kanila.

Hindi nga lang maganda ang reaksyon ng isang blogger na nagsabing buwis ng taumbayan ang umanoy pinambayad na talent fee sa band nila John Taylor and Nick Rhodes kaya marapat na panoorin sila ng taumbayan at hindi lamang ng mga naroroon sa hotel na pinagdausan ng kasiyahan kasama ang pangulo.

Ngunit nilinaw ng Malakanyang na walang ginastos na pera ng bayan sa pagtatanghal ng Duran Duran at sa halip ay mga kaibigan ng pangulo ang nangontrata sa banda.