Sikat na sikat na ang suspendidong alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo na pinaghihinalaang hindi Pilipino kundi Intsik na ang tunay na pangalan ay Guo Hua Ping. Kung sikat na si Alice sa mga taga-Bamban dahil hinalal siya ng mahigit kalahati ng populasyon ng botante sa bayan na iyon noong 2022, lalo pa siyang sumikat dahil na rin sa pag-aksyon ng gobyerno laban sa kanya.
Paanong hindi siya sisikat. Ang kongreso iniimbestigahan siya tungkol sa pagkakasangkot niya sa pagtatayo at pagpapatakbo ng isang malaking complex ng Pogo sa Bamban at sa Porac, Pampanga.
Ang Pogo o Philippine Offshore Gaming Operation ay online na pasugalan na pinatatakbo ng mga manggagawang Intsik at ang mga manlalaro ay nasa labas ng bansa. Dahil ang ganitong negosyo ay nasasakupan ng Pagcor, dawit sa kontrobersya ang ahensya na taga-lisensya ng mga pasugalan.
Dahil iniimbestigahan ng mga mambabatas ang kadudadudang yaman ni Guo, sangkot rin sa kontrobersya ang Anti-Money Laundering Council na siyang taga-tiktik sa mga paggalaw ng pera sa mga bangko kung ito’y ginagamit sa krimen.
Sa kanyang pagkakasuspindi, sangkot ang Department of Interior and Local Government dahil nasa ilalim nito ang mga nanunungkulang opisyal ng mga lokal na pamahalaan.
Sumawsaw rin ang opisina ng Solicitor General na nagpetisyon sa korte ng quo warranto laban kay Guo upang mapawalang bisa ang kanyang pagkakahalal dahil hindi siya karapatdapat sa umpisa pa lang. Gayundin ang opisina ng Ombudsman na siya namang nagsuspinde kay Guo bilang mayor.
Sa mga nakalipas na araw, nadawit na rin ang kapulisan at maging ang gobyerno ng Indonesia dahil sa umanoy pagtakas ni Guo at pagtungo sa siyudad ng Tangerang. Kailangan siyang hulihin at nahuli naman sa tulong ng pulis ng Indonesia.
Ngayon naibalik na siya sa Pilipinas, pinag-aagawan si Guo ng Kamara, Senado at kapulisan. At hindi naman pahuhuli ang Bureau of Immigration na ayon sa Kalihim ng Hustiya, Jesus Crispin Remulla, na siyang dapat na humawak kay Guo dahil peke ang kanyang pasaporte at nagpapanggap lamang siya na Pilipino.
Sa dami ng mga ahensya ng gobyerno na nag-iimbestiga kay Guo, tila ginulo niya ang gobyerno at bansa. Kailangan nang matapos ang kaguluhan upang mapagtuunan ng pansin ng mga ahensya ang ibang kaso o isyu na dapat nilang tugunan.