DYARYO TIRADA

Imbakan

TDT

Tuloy pa rin ang buhos ng ulan ngayong linggo. Maraming lugar sa Luzon ang lumubog sa baha sa dami ng tubig ulan na binuhos ng habagat kasabay ng bagyong “Enteng.”

Maraming lugar na dating hindi binabaha ang lumubog. Dahil hindi nila inaasahan ay hindi sila nakapaghanda at nasira ang kanilang mga ari-arian. Sa isang video na viral sa social media, may mga kotse na lumubog sa o natangay ng mataas na baha. Tiba-tiba na naman mga talyer sa dami ng magpapakumpuni ng kanilang sasakyan.

Sadyang hindi na uubra ang kahit anong flood control na pambomba dahil sobra-sobra sa kapasidad ng mga ito ang tubig-ulan na bumabagsak. Pati mga dam ay napuno at kailangang maglabas rin ng tubig upang hindi gumuho. Umapaw rin ang mga maruruming estero na dumagdag pa sa pagbaha.

Huhupa naman ang baha ngunit hindi pa tapos ang panahon ng tag-ulan. Ilang bagyo pa ang darating at naririyan ang banta ng susunod na pagbaha. Ngunit kung wala nang pupuntahan ang mga tao, paano sila makakaligtas at paano nila maiiwasang masiraan o mawalan muli ng mga ari-arian?

Radikal na solusyon na ang kailangan. Bakit hindi na lang gumawa ng dambuhalang imbakan ng tubig-ulan sa Metro Manila? Halimbawa na lang ang malalim na hukay sa kanto ng Ortigas Avenue at EDSA.

Lagyan na rin siguro ng dambuhalang alulod ang Skyway upang ilihis ang tubig-ulan sa mga malalayong lugar na may tagtuyot o kakulangan sa tubig.

Maaari ring gumawa ng mga water silo o mala-toreng istrakturang kongkreto sa dulo ng mga dambuhalang alulod bilang imbakan ng tubig-baha. Kung hindi naman, mismong dam na ang itayo sa gitna ng siyudad upang dito na ilihis ang baha para sa kaligtasan ng mga mamamayan at pamayanan.

Sa bansang Japan ay may mga water reservoir na sila sa ilalim ng lupa. Dito naililihis ang maraming tubig-ulan upang hindi bahain ang mga kabahayan at kalsada sa itaas. Yaman din lamang na ginagawa na ang kauna-unahang subway sa Metro Manila, maaaring isabay nang gawin ang underground water reservoir sa ilang siyudad.

Kung gagawa naman ng dam at mga imbakan ng baha, sa itaas o ilalim ng lupa, siguraduhin lamang na may mahigpit na harang ang mga ito upang hindi maligaw at tao rito at ikalunod nila.