Pamilyar na alituntunin sa mga paaralan ang “no ID, no entry.” Ibig sabihin, ang estudyanteng walang ID card ay hindi makapapasok. Tila ganito rin ang nangyari sa kinontratang gumawa ng National ID para sa lahat ng mamamayan. Ito’y matapos putulin ng Monetary Board (MB), ang namamahala sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang tatlong taong kontrata ng BSP sa AllCard Inc. na gawin ang 116 milyong pisikal na National ID ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Makatwiran ang ginawa ng MB dahil mga 52 milyong ID lamang ang naiulat na naimprenta ng AllCard nitong Hunyo samantalang mag-90 milyon ang nairehistro ng PSA na dapat mabigyan nito. Kaya kulang ng 32 milyong ID ang nagawa ng kontratista na sinisi sa kapasidad ng imprenta ng gobyerno ang pagkaantala at kakulangan ng produksyon ng ID.
Anim na taon nang ipinatutupad ng PSA ang batas sa National ID ngunit hanggang ngayon ay marami pa ang walang National ID. Bigo ang AllCard na gampanan ang tungkulin nitong nakasaad sa kontrata.
Dahil hindi magawa-gawa ang kulang na National ID card at namuti na ang mga mata ng mga tao sa kahihintay nito, digital National ID ang inilabas ng PSA sa mga hindi pa nabibigyan ng National ID card. Bagaman mainam rin ito, hindi pa rin nahabol ng AllCard ang kinakailangan iimprentang ID card.
Tila nasayang ang P6 bilyong pondo para sa paggawa ng National ID na naibigay mula pa noong 2018.
Maayos naman ang rehistrasyon ng mga kukuha ng libreng ID ngunit sumablay sa paggawa at pamamahagi nito.
Ayon sa isang dating mambabatas, kulang ang pagpapatigil ng kontrata bilang aksyon ng pamahalaan at nararapat na may parusa at danyos mula sa bigong kontratista.
Ayon naman sa isang senador, mainam naman ang digital National ID kaysa sa pisikal na bersyon nito lalo na ngayong marami ang gumagamit ng cellphone.
Magkakaroon ng imbestigasyon ang Senado sa isyu ang dito malalaman ang makatarungang resolusyon sa nabinbing National ID.