DYARYO TIRADA

200,000 na bakanteng posisyon ay 200,000 na walang trabaho

TDT

Ayon sa Philippine Statistics Authority, may 2.11 milyong Pilipino ang walang trabaho sa buwan ng Mayo. Bagaman kaliwa’t kanan ang ginagawang job fair ng iba-ibang ahensya ng pamahalaan na may spot hiring, sadyang marami pa rin ang mahigit dalawang milyong tao na walang hanapbuhay. Kakaunti lang ba ang nabibigyan ng trabaho sa mga job fair? Paano sila nakakakain at nakakabayad ng mga gastusin kung wala silang pinagkakakitaan?

Mukhang isa sa mga dahilan kung bakit malaki pa rin ang bilang ng walang hanapbuhay ay dahil hindi napupunuan ng gobyerno ang mga bakanteng posisyon sa iba-ibang ahensya o opisina nito. Inamin ng Civil Service Commission (CSC) sa pagdinig ng budget nito para sa taong 2025 sa Kongreso na 203,079 ang eksaktong bilang ng bakanteng posisyon sa gobyerno.

Sinisi ni Karlo Nograles, ang pinuno ng CSC, ang maraming bakanteng posisyon sa umanoy kabagalan ng mga human resources ng mga ahensya sa paglalathala ng mga bakanteng posisyon upang malaman ng publiko at may mag-apply rito.

Inamin ni Nograles na hindi agad nalalaman ng CSC ang mga bakanteng posisyon dahil tuwing anim na buwan lamang nag-uulat ang mga ahensya sa Komisyon tungkol sa mga bakanteng posisyon.

Iginiit ni Nograles na tungkulin ng mga ahensyang nasyunal, mga distrito ng tubig, pampublikong kolehiyo at Pamantasan at mga lokal na pamahalaan na ilathala at punuin ang mga bakanteng posisyon nila.

Isa ring hadlang ang eligibility ng aplikante para sa mga posisyong job order o contract of service. Sa madaling salita, hindi sila nakapasa sa civil service exam.

May solusyon naman ang CSC upang mapuno ang mga bakanteng posisyon at makuha sa regular na trabaho ang mga trabahador na klasipikadong JO o CoS.

Ayon kay Nograles, ipinatupad na ang preferential rating sa mga kumukuha ng pagsusulit sa CSC upang maging kwalipikado sila para sa mga mas mataas na bakanteng posisyon sa pamahalaan.

Magkakaroon rin ang CSC ng makabagong pagsisiyasat sa mga bakanteng posisyon sa gobyerno sa real time upang makatulong ang komisyon sa paglalathala at pagpapaalam nito sa publiko upang mas madali itong mapuno.

Samantala, dapat isapubliko ng CSC ang mga sinasabing bakanteng posisyon upang maaplayan ng mga tao na kailangan ng trabaho.