Ang Fan Army Face-Off ay taunang voting competition kung saan pinagtatapat ang angas, lakas, tatag at tulungan ng mga iba’t ibang fan groups sa mundo para magkaalaman kung sino talaga ang may tunay na fuerza, galing, kooperasyon at swerte para hanggang sa kahuli-hulihang pagtatapat at sandali sa online voting, ang subok na matibay at matatag na fandom ang magbi-viktoria.
Ang may pasimuno nito ay ang Billboard’s website, kung saan may multiple rounds na kung saan ang fandoms ay mag-iistratehiya sa pagbobotahan at panghihikayat na sila ang karapat-dapat na tanghaling numero unong fandom sa kasalukuyan.
Sa ikalawa at magkasunod na taon, ang A’TIN ng SB19 ang hinirang na matagumpay at may 56.5 porsyento mula sa kabuuang mga boto para kabugin ang Navy ni Rihanna na 43.7 porsyento ang nakuha naman mula sa mga boto. Dahil sa pangyayaring ito, ang tinaguriang “David” ng mga fandom, “pinaslang” ang mga “Goliath” na kanilang tinapatan. Hep, hep, hooray sa A’TIN ng SB19.
Sa tagumpay na ito, ang A’TIN, ang kahanay lang naman na may dalawang panalo na sa BBFA ay ang Super Junior’s E.L.F.
Maliban sa tagumpay na ito, patuloy pa rin ang streaming ng A’TIN at “Kalakal,” ang bagong kanta mula sa Mahalima kung saan ang kanilang artistic collaborator ay ang natatanging si Gloc-9. May music video ito na ibabagsak sa merkado sa Setyembre.
Sa darating na Miyerkules, itatanghal na sa mga sinehan ang “PAGTATAG!” Sa pelikulang dokumentaryo ipapakita sa lahat ang mga problema, pagsubok at mga tagumpay na pinagdaanan ng SB19 habang kanilang tinatahak ang panahon para sa “Pagtatag.”
Ang Pop Superstar Group ng Southeast Asia na binubuo nina Pablo Nase, Josh Cullen Santos, Justin De Dios, Ken Suson at Stell Ajero ay hihirangin bilang Voices Of Asia awardees mula sa Billboard Korea na magaganap sa paglulunsad ng “Billboard K POWER 100”sa Seoul, South Korea.
Ang dahilan kaya binigyang karangalan ang SB19 ay: “To honor their groundbreaking contributions to Filipino music and their unwavering championing of P-pop on the global stage.”
Siyanga pala, kasama rin ang BINI sa paparangalan.
Mabuhay kayo! Mahusay kayo, A’TIN at SB19! Ipagpatuloy niyong iwagayway ang watawat ng Pilipinas at ang pagpapaalam sa buong mundo na tunay na kayganda ng ating musika!
***
Hindi lamang mga ilusyonada, kundi tampalasang totoo ang mga nagsasabing ang JoshLia, portmanteau nina Josh Garcia at Julia Barretto, ay “kinabog” na ang tambalang KathDen, ang tawag kina Kathryn Bernardo at Alden Richards, kasi nga P200 milyon ang kinita ng “Un/Happy For You” sa takilya.
Saan galing ang “pangangabog” eh sa Nobyembre pa ipapalabas sa mga sinehan ang “Hello, Love, Again” nina Bernardo at Richards? Huwag niyong sabihin na ang indibidwal na pelikula ni Kathryn, ang “A Very Good Girl” at ang “Five Break Ups and a Romance” ni Alden kasama si Julia ang ginawa niyong pamantayan para sabihing kinabog ang dalawa?
Nakakalimutan na yata ng mga JoshLia fan na galing sa tatlong flops si Julia at sa dalawang flops si Garcia bago pa nangyari ang sinasabi niyong pangangabog, huh! Ewan ko na lang talaga sa JoshLia fandoms. Gising sa ilusyon, please!
Hindi kaantas ng KathDen ang JoshLia, sa totoo lang! Wala yang kiyeme latik at mas lalong walang pestisidyo!