DYARYO TIRADA

Na-lepto may kaso sa gobyerno

TDT

Mahigit dalawang libong tao ang tinamaan ng nakamamatay na leptospirosis sa panahon ng tag-ulan at nakalipas na buwan. May apat sa kanila ang naiulat na mga bagong nasawi sa nasabing sakit. 

Bagaman tinulungan ng pampublikong ospital na gamutin sila at ginawa pang libre ng Department of Health ang isang milyong  kapsula ng gamot para sa nasabing sakit, hindi ito sapat.

Sa mga namatay, kailangang mabigyan ng ayuda ang naulilang pamilya lalo na kung ang biktima ay mga inaasahan nila o siyang naghahanapbuhay para sa kanila. Sa mga nasira ang bato dahil sa lepto, kailangan din silang matulungan na gumaling at matulungan din ang kani-kanilang pamilya na nasira ang kabuhayan. 

At siyempre, kailangan nila ng hustisya dahil kung nagampanan sana ng mga opisyal at inhinyero na pigilin ng mga flood control system na ginawa nila ang paglubog ng Metro Manila at maraming bahagi ng Luzon sa matinding ulan na ibinagsak ng habagat kasabay ng bagyong “Carina” nitong Hulyo, hindi magkakaroon ng baha na lalanguyan ng sakit na lepto at hindi mahahawa, hindi magkakasakit ang mga naninirahan sa binabahang mga pamayanan. Sa madaling salita, kailangan ding mapanagot ang mga opisyal na nagpabaya sa kanilang tungkulin kaya nagkaroon ng malawakang pagbaha na nagpakalat ng sakit. Maaaring sama-samang magsampa ng kaso ang mga biktima ng baha at lepto di lang upang makakuha ng danyos sa kanilang sinapit kundi para hindi maulit sa iba ang kapalpakan ng mga namamahala o may tungkulin na pigilin ang pagbaha. Magastos man ito, maaari silang kumuha ng magaling at nagmamalasakit na abugado upang isulong ang kanilang kaso. 

Walang silbi ang ginawang mga flood control system na ginastusan ng bilyun-bilyong piso. Kung bakit hindi ito mabisa ay nasa kaalaman na ng mga nagpatayo nito. Kung sila’y makakasuhan, maaari ring malaman kung may anomalya sa pagpapagawa at pagpapagana ng mga walang silbing flood control system. 

Humupa na ang baha na may panganib ng lepto. Sa susunod na pagbaha, hindi uli gagana ang mga flood control system at magkakaroon muli ng panibagong dadapuan ng lepto. Sa mga nasa pwesto na hindi kikilos upang mapigilan ang susunod na delubyo, kampante silang hindi mapapanagot kung walang nakasuhan sa mga nagpabaya sa mga naunang pagbaha na kumitil ng ilang buhay. 

Kung may kaso, walang lepto.