Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na plantsado na ang kanyang talumpati para sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) sa darating na Lunes, July 22, 2024.
Pero nilinaw ng Pangulon a bagama’t tapos na ito ay kailangan pa rin ng tinatawag na “fine tuning” ng kanyang talumpati at gagawin umano nila ito simula Sabado hanggang Linggo upang handa na ito sa Lunes.
Ayon kay Marcos, napakarami sana siyang gustong pag usapan at ipasok sa kanyang SONA subalit baka umano masyadong humaba ang kaniyang ulat sa bayan kaya naman bahala na umano ang kaniyang mga Cabinet secretaries na magpaliwanag ng mga detalye.
Sinabi pa ni Marcos na sa Martes at Miyerkules ay may nakatakdang post-SONA discussions na gagawin ang mga miyembro ng Gabinete para ilatag ang buong detalye ng kanyang SONA.
Hahatiin ang diskusyon sa pamamagitan ng food security and economic development cluster na binubo ng mga Cabinet secretaries mula sa Office of the Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs, National Economic and Development Authority, Department of Finance, Department of Budget and Management, Department of Trade and Industry, Department of Tourism, Department of Agriculture at Department of Agrarian Reform.
Kasama rin ang environmental protection and disaster risk reduction cluster na binubuo ng Department of Environment and Natural Resources, Department of Science and Technology, Office of the Civil Defense at ang Department of the Interior and Local Government.
Para sa health and social welfare protection cluster, ito ay binubuo ng Department of Health, Department of Social Welfare and Development, Department of Human Settlements and Urban Development at Philippine Health Corporation.
Samantala, nirerespeto umano ni Marcos ang desisyon ni Vice President Sara Duterte na nagsabing ayaw na niyang humawak pa ng anumang pwesto sa gobyerno.
Ayon sa Pangulo, okay lang sa kaniya ang bagay na ito kung ito ang posisyon ng bise presidente.
Sa nauna nang pahayag ni Duterte, sinabi nitong wala na siyang plano pang humawak o tumanggap ng anupamang Cabinet position.
Matatandaan na isang buwan na ang nakalilipas nang magbitiw sa pwesto bilang kalihim ng Department of Education si Duterte na hanggang ngayon ay hindi nito inihayag ang dahilan.
Sa kabilang dako, inihayag naman ni VP Sara na manonood pa rin siya ng SONA ng Pangulong Marcos at hindi ito uuwi ng probinsiya.