DYARYO TIRADA

SB19 patuloy na iwinawagayway ang watawat

Alwin Ignacio

Ang SB19, patuloy na iwinawagayway ang watawat ng Pilipinas nating mahal at siempre ang talento ng mga Pilipino sa pandaigdigang tanghalan dahil sa pagkakahirang nila bilang “Favorite Action Act” sa Kids Choice Awards, na isang pangmalakasang parangalan mula sa palatuntunang Nickelodeon.

Ang huling Pilipinong mang-aawit na tumanggap nito ay ang nakalipas na di na maaring balikan, si Charice Pempengco.

Sa isang bidyo post sa Instagram account ng Nickelodeon Asia, ang pagtanggap at pahayag mula PPop Kings na binubuo nina Pablo Nase, Josh Cullen Santos, Justin De Dios, Ken Suson at Stell Ajero patungkol sa kanilang pagkakahirang: “Thank you so much for voting for us as the Favorite Asian Act of Kids’ Choice Awards 2024. It’s such an honor to represent the Philippines. We appreciate all your love and support. Maraming maraming salamat po (Thank you so much).”

Ang mga umuwing luhaan at nakatunggali ng SB19 para sa nasabing parangal ay ang K-pop boy group ENHYPEN, Japanese girl group NiziU, Malaysian singer Iman Troye at Indonesian actress-singer Tiara Andini.

ITINANGHAL na Favorite Asian Act of Kids’ Choice Awards 2024 ang SB19.

Sa opisyal na SB19 pahina naman nila sa X, ang kanilang saloobin ay kanilang ibinahagi: “Winning Favorite Asian Act at the Nickelodeon Kids’ Choice Awards is a dream come true for us and for our country, The Philippines. Your support and recognition mean everything. We are honored and excited for what’s next!”

Kasaysayan ang muling inukit ng SB19 sa panalong ito dahil sila ang kauna-unahang PPop Band na sinungkit at inuwi ang karangalan.

Habang tinitipa ang pitak na ito, matapos ang dalawang ere na ito ay umere sa First Take, nasa 900K views na ang nakapanood na, at tumataas ang bilang kada minuto sa Southeast Asian Superstar Pop Group, na sa ikalawang pagkakataon ay inimbitahan at umawit muli sa pangmalakasang entertainment YouTube Channel sa bansang Hapon.

Isang madamdaming pagkanta sa “MAPA” ang ipinamalas at pinadinig ng Mahalima.

Bago umawit, nagpahayag ang Mahalima na may kaba silang nararamdaman. Nung nagsimula na nilang kantahin ang “MAPA” na ang lyric bidyo ay mahigit na 100 million views, talaga namang kahanga-hanga at mas lalong nagpahanga ang PPop Kings. Emosyonal ang pag-awit, panalo ang harmonies, rinig na rinig ang mga indibidwal nilang boses at mas lalong tumingkad ang damdaming nakapaloob sa awit na likha ni Pablo, at ang mensahe nito na pasasalamat sa ating mga nanay at tatay, at pagpaparamdam kung gaano natin sila kamahal.

Ang isa pang kaabang-abang na kaganapan para sa SB19 ay ang kanilang pelikulang dokumetaryo, ang “Pagtatag” na ipapalabas sa mga sinehan sa 28 Agosto.

Ano pa ba ang dapat nating sabihin kundi SB19, mabuhay kayo, mahusay kayo! Patuloy lang ang pagwagayway sa watawat ng Pilipinas at pagbibigay sa mundo ng mga awiting PPop!