DYARYO TIRADA

MVP PLUM ABOT-KAMAY NI FAJARDO

Mark Escarlote

Nasa tamang daan ang San Miguel Beer star na si June Mar Fajardo para masungkit ang ikawalong Most Valuable Player award kasunod ng panibagong stellar performance niya sa Philippine Basketball Association (PBA) Season 48.

Ang Beermen big man ay nangunguna sa kanyang pinakamalapit na humahabol matapos na makaipon ng 42.1 statistical points (SPs) para tapusin ang season habang pinangunahan ang San Miguel sa dalawang finals appearances kabilang ang kampeonato sa Commissioner’s Cup.

Pinangunahan ni Fajardo ang liga sa rebounding na may 13.4 boards kada laro sa season na lumipas. Nag-average din ang Gilas Pilipinas member ng 17.8 points, 2.8 assists, 1.7 blocks at 0.7 steals.

Tinanghal din ang 34-anyos na si Fajardo na Philippine Cup Best Player of the Conference, ang kanyang ika-10 sa pangkalahatan.

Sa likod ni Fajardo -- na may hawak ng PBA record para sa pinakamaraming MVP -- sa mahigit limang SP ay si Christian Standhardinger ng Barangay Ginebra San Miguel, na nakakolekta ng 37.8 SPs.

Nag-average si Standhardinger ng 19.2 points, 10.2 rebounds, 5.0 assists, 0.6 steals at 0.4 blocks kada laro.

Ang teammate ni Fajardo na si CJ Perez ay nasa No.3 na may 37.4 SPs. Ang Commissioner’s Cup Best Player of the Conference ay nakakuha ng 18.9 points, 6.3 rebounds, 3.7 assists, 1.9 steals at 0.2 blocks.

Si Arvin Tolentino ng NorthPort ay nasa ikaapat na puwesto na may 35.9 SPs na sinundan ng TNT’s Calvin Oftana (35.4).

Samantala, si Stephen Holt ng Terrafirma ay ang runaway leader sa Rookie of the Year race matapos mailagay sa ikaanim sa statistical list na may 34.1 SPs.

Pinangunahan ng nangungunang overall pick sa huling Draft ang lahat ng bagong dating sa scoring, assists at steals.

Nag-average siya ng 17.0 points, 5.5 dishes at 1.9 takeaways sa tuktok ng 6.9 rebounds kada laro habang pinangungunahan ang Dyip sa kanilang unang playoff appearance sa walong taon matapos umabante sa quarterfinals ng Philippine Cup.

Si Cade Flores ng NorthPort ay nasa likod ni Holt sa Rookie of the Year derby na may 23.2 SPs habang sina Adrian Nocum ng Rain or Shine (21.8 SPs), Ken Tuffin ng Phoenix (21.5 SPs), at Christian David ng Blackwater (17.8 SPs) ay bumubuo sa Top 5 freshmen.