Nanawagan nitong nakaraan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga mambabatas sa bansa na aprubahan na at ipasa ang mga priority bills na una nang sinertipikahan ng Legislative-Executive Development Advisory Council o LEDAC bilang urgent.
Ayon sa Pangulo, aabot sa 17 ang mga panukalang batas at inuudyok niya sa mga mamababatas na aprubahan na ang mga proposed bills at maging ganap ng mga batas bago matapos ang taon.
Ang mga ito pagbibigay diin ng Chief Executive ay mas inklusibo, people centered o tumutugon sa pangangailangan at kapakanan ng mga tao at magbibigay ng maraming benepisyo sa Manila.
Dagdag pa niya, kapag pumasa ang mga panukala at maging ganap na batas ay makakaambag aniya ito sa pambansang pag-unlad at magpapabuti sa kalagayan ng ating mga kababayan.
Ilan sa mga priority bills na nais ng Pangulo na maging batas bago matapos ang 2024 ay ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, Anti-Financial Accounts Scamming Act, Amendments to the Government Procurement Reform Act, Mandatory Reserve Officers’ Training Corps at iba pa.
Samantala, sang-ayon ang mga kinatawan ng Kamara de Representantes sa posisyon ni dating Senate President Vicente “Tito” Sotto na suportahan ang desisyon ng bagong pamunuan ng Senado na ipagpaliban ang konstruksyon ng itinatayong bagong gusali ng Senado sa Taguig City habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Nagpapasalamat din sina Assistant Majority Leaders Jay Khonghun (Zambales, 1st District), Paolo Ortega V (La Union, 1st District), at Jil Bongalon (Ako Bicol Party-list), at 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez, pawang mga miyembro ng “Young Guns” ng Kamara, kay Sotto sa pagbibigay linaw sa usapin, partikular sa lumalaking gastusin ng gusali na ikinabahala ng dati at kasalukuyang pamunuan ng Senado.
Sinabi ni Khonghun na ang pag-endorso ni Sotto sa panawagang suspensyon ay isang pagpapatibay sa naging desisyon ni Senate President Francis Escudero.
Ayon naman kay Ortega, nakakagulat na malaman na umabot na sa P23.3 bilyon ang halaga ng proyekto, na halos triple ang itinaas mula sa orihinal na presyong P8.9 bilyon.
Sinabi ni Bongalon na ang pagkilala ni Sotto na magsagawa ng pagsusuri at ang pagtukoy sa dati ng isyu ng proyekto na nagsasangkot sa Hilmarc’s Construction Corp.
Binigyang-diin naman ni Gutierrez ang kahalagahan ng pagiging maingat at transparent sa paggamit ng pondo ng bayan, at mariing nanawagan para sa isang masusing pagsusuri ng proyekto.
Kung matatandaan, sinabi ni Sotto na nararapat lamang na magkaroon ng imbestigasyon lalo’t patuloy ang paglaki ng gastos sa proyekto at ang pagsang-ayon sa desisyon ni Escudero sa pagpapatigil ng konstruksyon sa gusali.