Kabalintunaan na may mga dayuhang Intsik na kumpleto ang papeles tungkol sa kanilang pagkakakilanlan ngunit may isang milyong bata sa Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM) ang hindi rehistrado ang kapanganakan. Ang ilang dayuhang Intsik ay mayroong birth certificate mula pa sa Philippine Statistics Authority mismo at mayroon silang pasaporte at national ID samantalang ang mga anak ng mga rebeldeng Muslim ay wala nito dahil isinilang sila gitna ng digmaan nila laban sa mga tropa ng pamahalaan noon.
Ngayong tapos na ang digmaan, lumitaw na tila hindi uso ang rehistrasyon ng mga isinisilang ng mga Badjao, ng mga bakwit o nagsilikas upang umiwas sa bakbakan ng militar at rebelde, at ng mga sumukong sundalo ng Moro Islamic Liberation Front.
Tinatayang may isang milyong tao sa BARMM ang hindi rehistrado bilang mamamayan kaya naglunsad ng kampanya sa rehistrasyon ng kapanganakan ang mga opisyal roon kabalikat ang pamahalaan at ang bansang Hapon.
Nakipagkasunduan ang embahada ng Hapon sa United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR) Philippines upang isagawa ang rehistrasyon.
Ang UNHCR ay tumutulong sa gobyerno ng BARMM sa pagpapalawak ng pagtatala ng kapanganakan ng mga tinaguriang marginalized na mga grupo sa rehiyon. Sumanib sa proyekto ang bansang Hapon nang kabilang ang embahada ng Hapon sa mga naglunsad nitong Hunyo 11 sa proyektong Digital Birth Registration of Populations at Risk of Statelessness. Ang proyekto ay nagpapalawak sa rehistrasyong isinasagawa ng gobyerno ng BARMM. May donasyong $5.5 milyon ang pamahalaan ng Hapon para sa proyektong tatakbo ng 30 buwan.
Ang pera ay gagamitin sa pagbili ng mga makinang gagamitin sa rehistrasyon ng 30,000 tao at pagsasagawa ng registration caravan ng mga local civil registrar ng BARMM. Bahagi rin ng donasyon ay pang-pondo ng mga proyektong pangkabuhayan para sa mga taga-BARMM.
Mahalaga ang rehistrasyon ng populasyon ng BARMM dahil kailangan ito para sa pagbibigay ng serbisyong panlipunan at ayuda sa mga nangangailangan, lalo na ang mga bata.