Dahil sa ulat na maraming tsuper and may-ari ng mga pampasadang jeepney na hindi nakahabol sa deadline ng LTFRB sa pagkokonsolida o pagkokooperatiba nila noong Abril 30 ang hindi na maaaring makapamasada gamit ang kanilang mga jeepney na luma o hindi tanggap ng sa panuntunan ng pamahalaan na angkop sa programang modernisasyon. Ibig sabihin nito ay wala na silang kabuhayan sa pamamasada dahil huhulihin sila ng mga pulis trapiko.
Habang ang iba sa kanila ay maghahanapbuhay ng iba, maaaring ang iba naman ay hindi agad makakahanap ng bagong trabaho kaya gugutumin sila sampu ng kanilang mga pamilya. Dama naman ng DSWD ang sitwasyon na ito kaya handa ang ahensya ng magbigay ng tulong.
Ayon sa tagapagsalita ng DSWD na si Irene Dumlao, kapag may mga apektadong manggagawa ang lumapit sa kanila para sa tulong, maaasikaso naman sila agad upang masuri kung anong ayuda ang maaaring ibigay sa kanila.
Sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation at Sustainable Livelihood Program, maaaring mabigyan ang mga apektadong tsuper ng pagkain o pera.
Kung tutuusin, marami pa ang dapat tulungan ng DSWD na mas malala pa ang kalagayan kaysa sa mga jeepney driver at operator na hindi makasabay sa programang modernisasyon ng transportasyon. Kitang-kita naman halimbawa ang mga naninirahan at natutulog sa mga bangketa sa Metro Manila.
Sa puntong iyan, kailangang magkaroon ng pinag-ibayong pagtutulungan ang DSWD at DHSUD upang matugunan ang ganitog suliraning panlipunan. Dahil maglalaan ang gobyerno ng mga pampublikong lupa para sa programang Pambansang Pabahay para mabigyan ang milyun-milyong mamamayang walang sariling bahay, marapat lamang na maisama rito ang pagbibigay ng lupa para sa silungan ng mga naninirahan sa bangketa.
Nakakaawa ang mga ganitong palaboy na parang walang pakialam ang mga lokal na pamahalaan at dinadaan-daanan lamang araw-gabi. Kung ngayong hindi pinapapasok ang mga estudyante kung mataas ang heat index dahil delikado sa kalusugan, bakit hinahayaan ang mga ganitong nilalang na mabilad sa mga bangketa.
Hindi taos-puso ang serbisyo publiko hanggang may makikitang natutulog sa bangketa.