DYARYO TIRADA

Dakip sa drone

TDT

Marami nang gamit ang drone of maliliit na de-elising camera na tumatakbo sa baterya at napapalipad ng tao sa pamamagitan ng computer o smartphone. Unang ginamit ito sa pagkuha ng mga litrato o video mula sa ere.

Mayroong drone na nagsisilbi armas at ginagamit sa digmaan para sa pang-eespiya o pambobomba sa kalaban. Kaya nitong magdala at maghatid ng mabibigat na bomba bukod pa sa nakakalipad na parang eruplano. 

Mayroon ding drone na pambomba ng pestisidyo sa malalawak na taniman at palayan bilang proteksyon sa mga peste. Mas mabilis ang ganitong paraan ng paglalagay ng pampuksa ng peste sa malalawak na taniman, imbes na manu-mano ang pagbomba na peligro rin sa tao na maaaring malanghap at kemikal.

Ang ibang drone naman ay ginagamit sa paghahatid ng mga pinamiling pagkain o gamit. Mula sa tindahan o warehouse, ang order o pakete ay ililipad at ibababa sa bahay ng customer.

Sa Pilipinas, naiulat na gumamit ang mga pulis ng Quezon City ng drone sa pagdakip ng mga magnanakaw sa may Barangay E. Rodriguez nitong nakaraang Sabado.

Ayon sa ulat, dalawang lalaking sumakay ng jeep sa Aurora Boulevard sa nasabing barangay ang nangholdap sa mga pasahero kinagabihan ng Sabado. Tinutukan umano ng mga holdaper ang mga pasahero at bumaba nang makuha ang mga gamit ng mga biktima.

Nakunan ng CCTV camera sa kalye ang mga salarin kaya sila’y nakilala at umaksyon ang Quezon City Police District Station 7 katulong ang mga opisyal ng barangay sa paghabol sa mga magnanakaw. Ginamit ng mga pulis ang drone sa paghanap sa mga magnanakaw hanggang sa mahuli nila ang dalawa at arestuhin.

Matagal na palang may drone team ang QCPD at ginagamit nila ito sa pagmamanman ng masasamang-loob sa sementeryo noong nakaraang undas.

Marahil ay dapat na magkaroon ang lahat ng kapulisan ng ganitong gamit na makakatulong sa pagpigil ng krimen o paghuli ng mga kriminal. Bagaman may kamahalan ang bawat pirasong drone, hindi matutumbasan ng pera ang maibibigay nitong kaligtasan at kapayapaan ng mga mamamnayan.