DYARYO TIRADA

Ivana Alawi, bathaluman na, mayaman pa

Alwin Ignacio

Hindi pwedeng isnabin ang estrella at pwersa ni Ivana Alawin lalo na nga at megastar ang turing sa kanya sa social media platform. Malapit na sa 18 milyon ang subscribers ni Alawi sa kanyang YT channel at kada minuto, eh dumadami ang bilang ng mga nararahuyo at nagmamahal sa tinatawag na millennial bathaluman.

Siempre pa, more subscribers mean mas gintong-ginto ang income ni Lady Alawi sa YT. At ang panalo pa sa leading lady sa kasalukuyan ni Coco Martin sa “FPJ’s Batang Quiapo,” matalino at mahusay ang pamamahala nito sa kanyang channel.

Palong-palo ang chika ni Mariam Sayed Sameer Marbella Al-Alawi (tunay na pangalan ni Ivana) na kamakailan, siksik, liglig at umaapaw ang kanyang inani sa loob ng anim na oras lamang sa pagla-live selling.

Sa kaniyang pagtutuos, eh umabot na pala ang kanyang kinita sa eight digits o nasa 10 million pesos. Hangang-hanga nga ang mga nagmamahal at sumusuporta sa kanyang abilidad at pagiging tunay na biba sa live selling.

KUMUBRA ng 10 milyong piso ang negosyanteng aktres sa 6 oras na live selling sa YT.

Inspirasyon ang kasipagan at tiyaga ni Alawi sa kanyang pagtitinda dahil nga kahit artista na ito, tanyag at tinitingala ng lahat, talagang oras at panahon ang inilalaan niya para ilako ang mga produkto. Anim na oras ang kanyang pinagsikapan para maabot ang target na sales. At sa true lang, putok na putok ang kanyang wallet at savings account pagkatapos ng nasabing kaganapan.

Para kay Alawi, iba ang ganap niya bilang artista, at iba rin ang challenge at fulfillment na kanyang nararamdaman bilang businesswoman. Importante sa kanya naging mahusay na aktres at matagumpay sa negosyo.

Ang mas panalo pa kay Ivana, eh kanyang kagandahang loob at pagiging mapagbigay. Dokumentado naman sa kanyang YT channel ang mga taong kanyang mga tinutulungan at pinapasaya. Siempre, top priority ni Alawi ang kanyang pamilya at loved ones. Siya pa nga talaga ang naghahanap ng mga taong karapatdapat tulungan at bigyang halaga at kaligayahan.

Kaya naman hindi na kataka-taka kung bakit bathaluman na nga si Ivana Alawi. Mayaman na mayaman pa kasi masipag, mabait, matulingin at mapagmahal sa kapwa.