DYARYO TIRADA

Kathryn Bernardo muling nominado bilang best actress sa URIAN

Alwin Ignacio

Nagpapalakpakan na may kasamang mabunying sigawan ang mga nagmamahal at sumusporta kay Kathryn Bernardo kasi isa siya sa apat na nominado sa kategoryang best actress sa paparating na Gawad URIAN, ang pinaka-prestihiyosong award giving body sa Pilipinas na ang mga Manunuri ng Pelikulang Pilipino ang nagbibigay.

Para sa “A Very Good Girl” ni Petersen Vargas ang nominasyon ni Queen Kath at ang nagsabing pagkilala ay patotoo na isa talaga si Kathryn sa pinaka-mahusay na aktres sa kasulukuyang panahon.

Ang unang best actress nomination ni La Bernardo ay para sa pelikulang “Hello, Love, Goodbye” kung saan ang katambal niya ay si Alden Richards. Pangalawang pagkakataon na ito ni Bernardo na magka-nomination nod mula sa mga may pribelihiyong magsupladang mga Manunuri na binubuo ng mga propesor, dalubguro at kritiko ng pelikula.

Kaabang-abang kung sa Hunyo 8, sa Gabi ng Parangal ng URIAN, eh si Richard Faulkerson Jr. (tunay na pangalan ni Alden) ang magiging escort ni Kathryn, hindi ba naman,

Ang iba pang katunggali ni Bernardo sa best actress na kategorya ay sina Gabby Padilla para sa “Gitling,” Max Eigenmann para sa “Raging Grace” at si Charlie Dizon para sa “Third World Romance.”

Sa kategoryang pinakamahusay na aktor, ang magsasalpukan ay sina Romnick Sarmenta, “About Us But Not About Us;” Paulo O’ Hara, “Ang Duyan ng Magiting;” ang child wonder na si Euwenn Mikael, “Firefly;” ang 2024 breakthrough aktor na si Cedric Juan, “GomBurZa;” Jansen Magpusao, “The Gospel of the Beast;” at Carlo Aquino, “Third World Romance.”

Ang mga nominado para sa pinakamahusay na pelikula ay “About Us But Not About Us,” “Ang Duyan ng Magiting,” “Firefly,” “GomBurZa,” “iti Mapupukaw” at “Third World Romance.”

Ibang-iba talaga at sadyang pihikan ang panlasa sa pelikula ng mga taga-Gawad URIAN, hindi ba naman. Isa kang tunay na alagad ng sining sa pelikula pag may stamp of approval ka mula sa Manunuri, sa totoo lang.

Sa tamang panahon, malalaman natin kung mauuwi nga ni Kathryn Bernardo ang gawad para sa pinakamahusay na aktres. Ang saya-saya, hindi ba naman?