Wala umanong 'delicadeza' ang Commission on Higher Education-National Capital Region (CHED-NCR) sa paglipat ng opisina nito sa isang pamantasan sa Metro Manila. Iyan ang sabi sa atin ng ating source na tumangging banggitin ang tunay na pagkakakilanlan.
Simula kasi noong Oktubre 2023 ay nakabase na ang CHED-NCR sa loob ng Quezon City University–isang pampublikong pamantasan na pinatatakbo ng pamahalaan ng Quezon City.
Sa dinamirami ng mga lokal na pamantasan and kolehiyo sa Metro Manila, bakit ang Quezon City University ang mas pinili ng CHED-NCR para doon mag-opisina? Bukod kasi sa Quezon City, nag-offer din umano ang Marikina City, Makati City at Manila.
Katulad ng CHED Central Office, datirati ay nasa loob din ng University of the Philippines Diliman compound ang CHED-NCR. At kaya raw lumipat ito ng Quezon City University ay dahil wala na raw itong space doon. Pero bakit ang CHED-MIMAROPA Region na mas malayo eh nandun pa rin sa CHED Central Office?
Wala sanang issue kung sa isang state university katulad ng University of the Philippines (UP) at Polytechnic University of the Philippines (PUP) ito lumipat at doon pansamantalang nakikihati ng opisina.
Marami naman daw mga CHED regional offices ang nasa lokal na iskwelahan pero sa mga state universities nagpupunta. Tanging CHED-NCR lang ang nasa local university and college.
Kaya nga ang central office ay nasa UP, at ayon sa ating source, hindi nire-regulate ng CHED ang mga state universities and colleges.
So, ano ang magiging issue kapag ang isang regional office ay nakiki-opisina sa isang LGU-run na pamantasan?
Ganito kasi 'yan. Halimbawa nalang po may problema ang school na 'yan sa accreditation, sa mga programs nila, etc., tapos doon ka pupunta. Magiging bias ka. Papaano mo pupwersahin ang isang school na mag-comply sa mga requirements kung nakikisilong ka lang sa kanila? Iyan po ang tanong natin sa CHED-NCR.
At ayon pa sa ating mga sources, doon na rin umano natutulog sa kanyang opisina si CHED-NCR Director Julieta M. Paras. Chairman Popoy De Vera paki-imbestigahan po kung totoo nga ba ito. Masisira ang iyong pangalan nang dahil lamang sa iilang abusadong mga opisyal ng kagawaran.
Kay RD Paras, bukas po ako para kunin ang inyong komento at reaksyon hinggil sa isyung ito.