DYARYO TIRADA

Tangke ng tubig sumabog, 10 nasaktan

WJG

Sampung katao ang sugatan matapos sumabog ang tangke ng tubig sa bubong ng isang gusali sa Parañaque City Sabado ng gabi.

Nasira ang bahagi ng gusali na matatagpuan sa kahabaan ng Quirino Avenue sa Barangay Tambo, dahil sa pagsabog.

Ayon sa mga nakasaksi, nahulog ang mga labi ng tangke sa kalsada at tumama sa ilang sasakyan, kabilang ang isang sport utility vehicle at isang e-trike, ayon sa ulat ng Super Radyo dzBB.

Naapektuhan din ang isang linya ng kuryente.

Kinailangang isara ang ilang kalye para sa pagtatanggal ng mga lumagpak na bahagi ng tangke at mga tinamaang sasakyan.

Sa ulat ng GMA Integrated News Bulletin, tiniyak ng pamunuan ng gusali na sasagutin nito ang mga gastusin sa pagpapagamot ng mga nasugatang biktima.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng pagsabog ng tangke ng tubig.