BIÑAN – Dinomina ng Biñan at Quezon ang kanilang mga kalaban habang naiposte naman ng MisOr ang impresibong panalo kontra Alpha Omega sa pagpapatuloy ng PSL President’s Cup sa Alonte Sports Arena.
Pinataob ng Tatak Gel ng Biñan ang mga mas batang players ng SGA-St. Benilde, 67-46, at bumalik sa trangko matapos malasap ang una nilang pagkatalo sa liga sa San Juan Kings kamakailan lamang.
Mahigpit na depensa ang pinairal ng Tatak Gel kung saan nilimitahan nila sa 26% (19-of-71) shooting sa field goals ang Blazers.
Pinangunahan nina Kenny Rogers Rocacurva at Jimboy Estrada na nagtipon ng pinagsamang 26 puntos para sa Biñan at punan ang kakulangan sa point-production ng mga dating PBA stars na sina Jayjay Helterbrand at KG Canaleta.
Dahil sa panalo, nailista ng Biñan ang kanilang ika-14 na panalo sa 15 laro.
Magaan ring idinispatsa ng Quezon ang 1Munti na naglaro lamang na may siyam na players dahil sa personal na dahilan.
Tinalo ng Quezon ang 1Munti, 90-50.
Sumandal naman ang MisOr sa balanseng opensiba kung saan anim na players ang nagtala ng 11 o higit pang puntos habang nakagawa naman ng double-double performances sina Kobe Pableo at ex-PBA player Rudy Lingganay, para pangunahan ang Mustangs sa pagbulsa ng 95-83 panalo kontra Alpha Omega Kings.
Nagposte ng 25 puntos at kumolekta ng 14 na rebounds si Pableo.
Double-double performance rin ang ipinakita ni Lingganay kung saan may naitala siyang 11 puntos at 11 assists.
Nagtala ng 13 puntos sina Edsel Mag-isa at Brian Meca habag tig-11 naman sina Jayvee dela Cruz at Paul Desiderio para sa Mustangs, na naka-score ng 54 sa shaded lane, mas marami ng 18 kaysa sa kanilang mga karibal habang dinaig rin ng MisOr ang Alpha Omega sa rebounding, 53-34.