Maganda naman ang ginawang batas ni Senador Bong Revilla na bigyan ng ayuda ang mga matatanda na wala pa sa edad na 100. Deserve naman nila lola at lolo ang anumang perang ayuda kung sila ay 80 anyos pa lamang dahil hindi naman marami ang nabubuhay ng hanggang 100 anyos.
Sa naunang batas na nagbibigay insentibo o ayuda sa mga lola at lolo na umabot sa 100 ang edad, tulad ng dating pangulo ng Senado na si Juan Ponce Enrile, P100,000 ang ibibigay sa kanila.
Para kay Revilla, pinalawig niya ang mabibiyayaan ng ayuda para sa matatanda. Ang mga aabot sa edad na 80, 85, 90 at 95 ay bibigyan ng P10,000. The more the merrier, ika nga.
Ngunit teka muna. Sapat ba ang P10,000 na ayuda para sa isang taong wala o hindi na makatrabaho at may mga karamdaman na kailangang maibsan ng iba-ibang gamot? Kakasya ba ang P10,000 sa pang-araw-araw na gastos nila sa pagkain kahit may tinatanggap na silang buwanang pensyon at diskwento sa pagkain at ilang piling groserya?
Sa taas ng presyo ng mga bilihin ngayon, ang nasabing halaga ay sadyang kulang. Sana ay panimula pa lamang ito at madagdagan pa sa malapit na hinaharap.
Kung tutuusin, hindi naman matutumbasan ng salapi ang sakripisyo ng mga magulang, mga lola at lola, natin, sa lipunan at sa bayan. Ang kanilang pagsisikap at paghihirap na mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga kabataan ay hindi matutumbasan ng kahit isang milyong piso.
Ngunit mabibigyan natin sila ng kaligayahan sa mga huling panahon nila sa mundo sa iba-ibang paraan, kabilang na ang P10,000 o P100,000 ayuda.
Marahil pinakamahalaga ang pantustos para sa kanilang kalusugan upang ma-enjoy naman nila ang pamumuhay na hindi nila naranasan noong panahong nagkukumahog silang maghanapbuhay para sa kanilang mga pamilya.
At siyempre, wala nang hihigit sa pagmamahal, pagpapahalaga at pag-aaruga sa kanila katulad ng kanilang ibinigay na pagmamahal, pagpapahalaga at pag-aaruga sa kanilang mga musmos na mga anak.