Nakaugalian na nating mga Pinoy na kung ano ang mas mura, 'yun ang bibilhin natin. Kadalasan, kung ano ang mas mura 'yun ang tinatangkilik natin kasi mas nakatitipid tayo. Ika nga kung alin 'yung swak sa budget doon tayo.
Pero dahil sa pagiging sobrang praktikal natin na ang akala natin naka-jackpot na tayo, eh hindi pala dahil naloko po tayo ng mga mapagsamantalang negosyante. Sa sobrang pagtitipid natin at sa pagpili ng mas murang produkto eh hindi naman pala natin mapapakinabangan ang mga ito.
May nakapagsabi kasi sa atin na mayroon diumano isang bagong supermarket ang nagbebenta ng mga produktong di hamak na mas mura kumpara sa mga malalaki at sikat na pamilihan.
At sa KAMAMADALI natin, ang akala natin eh tiba-tiba na naman tayo dahil nakamura tayo. Pero ang hindi natin alam naisahan lang pala tayo dahil ang ilan sa mga ibinibenta nilang mga produkto ay kamukha lamang ng mga kilalang brand at produkto, so ibig sabihin hindi pala authentic.
Pero kapag tiningnan mong mabuti ang mga ito, ay kapansin-pansin na tila’y iniba lang ang mga pangalan samantalang ang disenyo ng bote, kahon o lalagyan ay parehong-pareho sa ilang pinagkopyahang produkto nito.
Kinakailangan yatang bigyang pansin ng pamahalaan ang diumano’y pagbebenta ng ilang mapanlinlang na produkto at pati na din ang maling pamamalakad ng nasabing supermarket sapagkat masama ito sa kalusugan nating mga mamimili o konsyumer.
Dapat suriin ng Department of Trade and Industry kung may mga posibleng paglabag sa copyright o intellectual property ang ilang mga produktong diumano’y ibinebenta sa mga sangay ng nasabing supermarket.
Nauna nang nagbigay ng babala ang Food and Drug Administration sa publiko na huwag bilhin at kainin ang lemon cake at soymilk products ng nasabing pamilihan sa kadahilanan na ang mga nabanggit na produkto ay hindi dumaan sa tamang pagsusuri ng nasabing sangay ng pamahalaan.
May ilang mamimili na din ang nagpahayag sa social media ng kanilang pagkadismaya sa produktong nabili nila sa nasabing pamilihan dahil sa pagmamadali nilang makabili ng mas murang mga bilihin. Ang isa pa nga’y sumubok bumili ng bigas, ngunit sinabi may amoy ang bigas at mas masarap pa daw ang binibentang NFA rice sa palengke.
Maganda naman sana na dumadami ang mga pamilihan sa ating bansa dahil kasabay nito ang pagdami din ng mga pagkakataon na makapagbigay ang mga ito ng iba’t ibang mga promo o diskwento sa mga mamimili upang lumiit ang kanilang gastos.
Ngunit huwag naman sana itong gawing rason para pagsamantalahan ang ilan nating kababayan sa pagbebenta ng diumano’y mga substandard na produkto sa kanilang mga tindahan.
Paalala sa mga kapwa natin konsyumer 'wag MAGMADALI, na hindi porke’t mura ang isang produkto ay agad-agad na nating bibilhin, kailangan din maging mapanuri sa ating mga binibili lalo na kung ang mga ito’y ipapakain natin sa ating mga mahal sa buhay.