DYARYO TIRADA

Betlog

TDT

Nakabuo ng artipisyal na betlog sa laboratoryo ang mga mananaliksik sa Israel. Halos katulad ng natural na bayag ng lalaki ang nabuong testicle, ayon kay Dr. Nitzan Gonen ng Bar-Ilan University, ang namuno sa nasabing pananaliksik.

Pinatubo ang betlog mula sa sinasabing organoid na nabuo naman mula sa cells galing sa testicle ng daga. Ang organoid ay maliit na bersyon ng mga organ tulad ng utak, bato o bituka. Tumagal ang buhay ng betlog ng siyam na linggo, ngunit hindi ito nakagawa ng semilya.

Susunod na gagawin ng mga mananaliksik ng Bar-Ilan University ay makagawa ng semilya ang artipisyal na bayag.

Kung sakaling matagumpay ang mga mananaliksik sa paggawa ng betlog sa laboratoryo, magsisilbi itong lunas para sa mga lalaking dumaranas ng infertility o kawalan o kakulangan ng semilya upang makabuntis at magkaanak.

Ang artipisyal na betlog ay magagamit rin sa pag-aaral ng mga sakit sa ganoong bahagi ng katawan at kung paano ito magagamot.

Nagkataon na nakabuo ng artipisyal na bayag ang mga mananaliksik na Israeli habang may digmaan sa pagitan ng Israel at teroristang Hamas sa Gaza. Wala namang kinalaman ang nasabing pananaliksik sa digmaan. Hindi layunin ng artipisyal na bayag na paramihin ang populasyon ng Israel kung ito’y nauubos dahil sa pagkamatay ng mga sundalo sa digmaan.

Dati nang naiulat na nagtatabi ng semilya ang mga sundalong Israeli sa mga sperm bank sa bansa upang ang kanilang asawa ay magkaroon pa rin ng anak sakaling masawi sila sa digmaan. Gagamitin ang nakaimbak na semilya para sa in vitro fertilization o pag-fertilize ng itlog ng babae gamit ang semilya sa laboratoryo. Ang fertilized na itlog ay ilalagay naman sa sapupunan ng babae upang ipagbuntis at ipanganak.

Maging ang mga sundalong Palestino, na kalaban ng mga Israeli, ay nag-iimbak rin ng kanilang semilya sa sperm bank sa Israel para rin sa parehong layunin, ang magkaanak ang kanilang asawa sakaling sila’y masawi sa pakikidigma sa mga Hudyo.

Kung tutuusin, hindi kailangang gawin ito ng mga Israeli at Palestino. Kung nais nilang magkapamilya, mas maigi na lamang na huwag na silang sumabak sa digmaan upang walang masawing asawa. Kung kailan nila ito mababatid ay nasa sa kanila na.