Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Huwebes na malaki umano ang potensiyal ng Pilipinas at Hawaii sa ugnayang pang ekonomiya at kalakalan dahil maraming mga bagay na nagkakahawig ito lalo na sa ilang lugar sa bansa.
Ang pahayag ng Pangulo ay kasunod nang courtesy call sa Palasyo ng mga miyembro ng Filipino Chamber of Commerce of Honolulu at Honolulu City Council Trade Mission na nasa bansa ngayon para magsagawa ng mga trade missions at ang posibilidad na palawakin ang ugnayan ng Pilipinas at Hawaii.
Hinikayat naman ng Marcos ang mga Filipinong negosyante sa Hawaii na tignan at ikunsidera ang potensiyal na maglagak ng puhunan sa bansa.
Ikinatuwa rin ng Pangulo na mas marami na ngayon ang nagkaka interes na mamuhunan sa Pilipinas kaya lalo pang pahuhusayin ng Pilipinas ang mga hakbang ng sa gayon ang mga potensiyal na ito ay magkatotoo.
Binigyang-diin pa ng Pangulo na ginagawa na ngayon ng kaniyang administrasyon ang lahat upang gawing mas madali ang pamumuhan sa bansa at hindi mahihirapan ang mga investor.
Dagdag pa niya, napakahalaga sa Pilipinas ang kalakalan sa Hawaii dahil sa taglay nitong kuneksiyon na maituturing na rin na isang tradisyon.