DYARYO TIRADA

MMDA, naghahanda sa pagsikip ng trapiko

Sebastian Navarro

Puspusan na ang paghahandang ginagawa ng Metropolitan Manila Development Authority sa inaasahang muling pagsikip ng trapiko sa ilang pangunahing kalsada, partikular na sa Commonwealth Avenue sa Quezon City ngayong holiday season.

Kabilang sa paghahandang ginagawa ng MMDA ay ang pagpapaalis sa mga sobrang stalls sa Litex Market at ayon kay MMDA special operations and anti-colorum unit chief Bong Nebrija, ang mga ito ay sagabal sa mga daan.

"Makikita niyo dito naman ang mga tindero, mga nagbebenta, meron silang binabayarang permit sa city hall. Tama naman yun, pero di naman sila sumusunod sa tamang lugar kung saan sila magbenta," sabi ni Nebrija.

Na-impound din ang 10 e-trike, tricycle at motorsiklo na dadalhin sa pasilidad sa Marikina City.

Ayon kay Nebrija, umaabot ng 50,000 sasakyan ang dumadaan sa Commonwealth kada araw tuwing holiday season.

Nangako naman ang ilang nagtitinda na iiwasan nila ang pag-okupa ng bangketa.

Samantala, nagsagawa rin ang Quezon City Department of Public Order and Safety ng clearing operations sa Barangay Bagong Pag-asa, Katipunan at Bagong Lipunan.

Sa operasyon, 11 na sasakyan ang agad na-tow habang 8 naman ang natiketan

Dakong alas-12 ng tanghali, itinuloy ang kanilang operasyon laban sa colorum at illegal parking sa bahagi naman ng Novaliches District Center.