Aminado ang aktres na si Katya Santos na kaya pa rin niyang magpa-sexy sa mga pelikula pero mayroon na umanong mga restrictions dahil kung siya naman daw kasi ang maghuhubad ay ibang usapan na 'yon.
"Hindi na, graduate na tayo doon," sabi ni Katya.
Pero kung pagpapa-sexy tulad sa ginawa ng friend n'yang si Andrea del Rosario sa May-December-January movie ang gagawin ay kaya naman daw n'ya iyon but with restriction.
"Kaya ko 'yon. P'wede pa ako doon. Basta walang frontal nudity. Pero kaya ko pa namang magpa-sexy. Wala na lang mga super hubad-hubad," sabi pa niya.
At dahil napag-usapan na rin lang ang Vivamax at pagpapa-sexy ay nahingan rin namin ng komento si Katya sa mga baguhang sexy actresses na napapanood ngayon sa Viva streaming platform.
"Mas matapang sila. Kasi kami noon… matapang din kami. Hindi rin kami papatalo pero may restrictions kami," sabi ni Katya.
May umay factor daw kasi sa audience kapag panay all-out pagpapa-sexy na lang ang ipinapakita ng isang artista. Noon daw kasi ay nananabik pa ang mga manonood sa mga love scenes nila.
"Ang akin lang kasi nawawala na 'yong quality unlike dati. Hindi ko naman sinasabi na walang quality 'yong sa kanila but parang nakakasawa na sobrang dami ng love scenes instead of medyo nanggigigil ka pa na 'Sana meron pa. Sana meron pa.' 'Di ba?" paliwanag ni Katya.
Bukod sa pagpapakita ng skin, payo n'yang paghusayan at paunlarin din sana ng mga showbiz newbies ang kanilang acting skills.
"Ang tapang nila. Sana lang 'yong nagiging focus nila sa tapang nila is not fame or money. Sana 'yong craft pa rin ang iisipin," aniya.
Ganu'n daw kasi ang ginawa nila ng mga ka-grupo n'ya sa Viva Hot Babes. Mula sa pagpapa-sexy ay nakatawid sila at nakapag-explore ng iba't ibang genre.
"Kasi sa amin naman noon, sige nag-sexy kami, pero at the end of the day, gusto pa rin namin magpakita ng acting, 'yong skills mo pa rin, 'yong talent mo pa rin na 'Kaya ko pa ring umarte kahit naghuhubad ako.' 'Yong parang ganu'n," pagdidiin ni Katya.
"Sana gawin lang nilang stepping stone, and eventually i-enhance nila ang acting [skills] nila. Mag-aral sila o kaya gawin nila talagang lesson every movie na ginagawa nila, natututo sila sa acting nila. Hindi lang 'yong, 'Sige, hubad ako dito. Hubad ako, ganyan,'" saad ni Katya.