Sinabi ng pamunuan ng North Luzon Expressway Corporation na target na umanong mabuksan ang unang bahagi ng North Luzon Expressway-South Luzon Expressway connector na mag-uugnay sa Caloocan hanggang sa España sa Maynila bago sumapit ang Kapaskuhan.
Ang connector project ang magdudugtong sa NLEX-Balintawak at SLEX-Alabang at layon ng proyektong iklian sa 20 minuto imbes sa higit 1 hanggang 2 oras ang biyahe mula Caloocan hanggang Alabang.
Ayon sa NLEX Corporation, nagsagawa na sila ng traffic simulation at hindi ganoong maaapektuhan ang daloy ng trapiko.
"Ang kailangan na lang makuha, 'yung unang block ng area na 'yun para maitayo 'yung other leg ng ating structure. After that, pag nakumpleto natin yun, let's say by end of December… Kung 'di naging maayos at hindi kakayanin 'yung full España at least the southbound will be open by December," saad ni NLEX Corporation project manager Edward Castro.
Sa umaga, tatlong lanes ang bukas pa-Legarda sa Maynila at Cubao sa Quezon City. Sa gabi, dalawang lanes lang ang bukas at isusunod naman sa Pebrero ang pagbubukas ng ugnayan sa pagitan ng España at Sta. Mesa.
Pero ang mga timeline na ito ay masusunod kung matutugunan ng Department of Public Works and Highways ang mga isyu ng right of way sa kahabaan ng elevated expressway o iyong mga matatamaang mga bahay at impraestruktura.
Target naman buksan ng DPWH ang buong NLEX-SLEX connector bago matapos ang 2023.