Inihayag ng aktres at TV host na si Maine Mendoza na napagod na siya sa mga "fans" na patuloy na nagpupumilit na higit pa sa screen partners ang relasyon nila ni Alden Richards na unang sumikat s Kalyeserye ng Eat Bulaga.
Ayon kay Maine, may mga AlDub fans na hanggang ngayon ay kumakapit pa na may chance na magkatuluyan silang dalawa.
Ito ay nagsimula nang purihin ng talent manager si Maine sa pagiging totoo nito sa publiko sa kabila ng height ng kasikatan ng kanilang tambalan noon.
Pero pag-amin ng dalaga, may mga hindi nagustuhan ang kanyang pagiging "totoo".
"May mga taong hindi gusto 'yung gano'n. Parang gusto nila na nafi-feed 'yung imagination nila and for lack of a better term, delusion nila. Pero mas okay kasi na early on pa lang, paalam mo na 'yong totoo," saad ni Maine.
"Pwede naman tayong mag-enjoy, pwede naman tayong ma-entertain na alam natin 'yong katotohanan na wala tayong sinasaktan or ida-damage," dagdag niya.
Kahit nagpapasalamat si Maine sa pagsuporta sa kanya, ayaw naman raw niyang lokohin ang mga ito para lang sa pera at kasikatan at sa kabila nga ng pagsasabi ng totoo na hanggang sa pagiging "screen partners" at magkaibigan lang ang relasyon nila ni Alden ay marami pa rin ang hindi maka-move on.
"Marami naman pong nakatanggap… 'Yung iba nag-stop na mag-support. Which is totally okay lang din naman. Pero meron pa rin po na hanggang ngayon kumakapit pa rin do'n," lahad ni Maine.
Ito nga raw ang mga klase ng fans na hindi niya ma-tolerate.
"I tried calling them out couple of times already. Pero ayaw po talaga nilang maniwala," dagdag pa niya.
Chika pa nga niya, may ilan pa nga raw na nagsasabing mag-asawa na sila.
"Kasi 'yung iba parang hanggang ngayon kapit na kapit sila na 'mag-asawa kami ni Alden. May anak na kami,'" sabi pa ni Maine.
May mga pinadalhan pa nga raw siya ng private message sa Twitter para sabihin ang katotohanan.
"As in ako na po personally nagre-reach out sa kanila, not through other people, ako na 'yung nagme-message pero ang reply pa rin nila sakin 'Hindi si Maine 'yan. Admin 'yan ng account ni Maine,'" dagdag pa ni Maine.