DYARYO TIRADA

MGA SEMENTERYO, DINAGSA NA

Kitoy Esguerra

Matapos ang pananalasa ng bagyong Paeng sa bansa nitong nakaraang linggo, dumagsa naman ang mga tao sa ilang sementeryo sa Metro Manila upang bisitahin ang kanilang mga namayapang mahal sa buhay sa isang araw bago ang obserbasyon ng Undas nitong Lunes.

Sa Manila North Cemetery — isa sa pinakamalaking sementeryo sa Kamaynilaan — umaga pa lamang ay nagdatingan na ang mga tao upang dumalaw sa mga puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.

Dismayado naman ang ilang magulang na may kasamang batang edad 12 pababa matapos harangin ng mga awtoridad papasok ng sementeryo dahil wala umanong maipakitang vaccination card na requirement upang mapapasok ang mga kasamang bata.

Nagpaalala rin ang mga awtoridad sa lahat ng pumapasok sa Manila North Cemetery na isuot nang maayos ang mask bilang pag-iingat kontra COVID-19.

Organisado at maayos naman ang pila papasok dahil hiwalay ang pila ng mga babae at lalaki, at may priority lane din. May e-trike at wheel chair namang inilaan para sa senior citizen at persons with disabilities.

Sa Manila South Cemetery, marami ring batang edad 12 pababa na walang dalang COVID-19 vaccination card ang isinama ng kanilang mga magulang.

Dahil dito, mistulang day care center tuloy ang isang kuwarto sa sementeryo.

Sa Loyola Memorial Park sa Marikina, hindi man mandatory ang pagsusuot ng face mask at pagpapakita ng vaccination card, hinikayat ng lokal na pamahalaan ang pagsusuot ng mask para maiwasan ang hawahan ng sakit.

Naka-standby din ang mga awtoridad at health officials para matiyak ang seguridad at kalusugan ng mga bumibisita sa sementeryo.

Sa Manila Memorial Park sa Parañaque, kapansin-pansing pinipili ng mga bisitang magsuot ng face mask bilang pag-iingat sa COVID-19, kahit open space ang sementeryo.

Nasa apat na tao ang naaresto gabi ng Linggo matapos mahuling umiinom ng alak sa Manila Memorial Park. Kabilang sa kanila ang isang nahulihan din ng pistol at live ammunition.

Inireklamo ng alarm and scandal, disobedience to persons in authority, at illegal possession of firearms ang mga nahuli.

Inaasahang lalo pang dadami ang bisita sa mga sementeryo sa Martes o mismong Todos los Santos.