Pinalagan ng TV host na si Bianca Gonzalez ang isang netizen na pumansin sa kanyang mga YouTube vlogs na nagsabing wala umanong "views" ang kanyang mga vlogs.
Sumagot ang TV host sa social media kung saan ipinakita niya ang screenshot ng komento ng netizen sa kanyang YouTube vlog kalakip ang kanyang saloobin hinggil sa pangnenega nito sa kanya hinggil sa kawalan diumano ng "views" ng kanyang videos.
"Walang views ang mga vlog niya," sabi ng netizen.
Sinagot naman ito ni Bianca.
"Hi! May problema ka sa 2,300 na nanood nitong video? Paki-explain naman sa akin ng comment mo [laugh emoji]," sabi ni Bianca.
At sa kanyang tweet ay diretsahang inilabas ni Bianca ang saloobin niya hinggil sa mga natatanggap niyang pambabatikos ng mga netizens.
"Pa-isa nga lang. Dahil hot topic din naman ngayon ang YouTube, engagement at views. I often get this comment meant to insult or bash me: 'Ay, walang views ang vlog niya'. Let me get one thing clear: iba-iba ng rason ang tao to create content on YouTube," sabi ni Bianca.
"Some create content on YouTube as a full-time career, some as a creative outlet, some as a form of self-expression, and some, like me, create content to reach out to others and help. Iba-iba ng purpose ng tao sa YouTube and before starting a channel, that should be clear to you," dagdag niya.
Sabi pa ni Bianca, ang goal naman talaga ng kanyang YouTube vlog ay ang makatulong sa mga nangangailangan at may pinagdaraanan lalo na at advocacy niya ang mental health.
"From the start, ang #PaanoBaTo ay para makatulong sa problema't pinagdadaanan ng tao, to know they are not alone and to know that they will get through it, by sharing stories that inspire and empower. Grateful for brands who share the same vision and partner with me for content," saad ni Bianca.