DYARYO TIRADA

Makasaysayang plebesito!

Kitoy Esguerra

Isang makasaysayang plebesito ang naitala sa paghahati sa Maguindanao nang maratipikahan na ang paghahati nito bunsod ng mga pabor na boto sa pagbuo ng dalawang bagong probinsya.

Ayon sa Commission on Elections, nakapagtala ng ilang mga records sa kasaysayan ng mga plebesito sa bansa bukod sa pagiging payapa ng naging botohan sa Maguindanao kung saan landslide ang "Oo" na nakakuha ng higit 99 percent o higit 700,000 na boto.

Nasa higit 5,000 naman o wala pang isang porsyento ang bumoto ng "Hindi" o tutol sa paghahati ng Maguindanao.

Inabot ng 5 oras ang provincial canvassing sa kapitolyo sa Maguindanao dahil hinintay pa na ibiyahe ang lahat ng 36 na certificates of canvass mula sa buong probinsya.

Kaya pinalakpakan ang pagdating ng mga COC mula sa Upi at South Upi na nasa kabilang bahagi ng probinsya.

May walong lugar sa magiging Maguindanao Del Sur na walang bumoto ng "Hindi".

Sa Datu Odin Sinsuat naman na magiging kapitolyo ng Maguindanao Del Norte, iisa ang naitalang boto para sa "Hindi" at ayon sa Comelec ay may 86.93% ng botante na bumoto sa plebesito.

Kaya ito na ang ikalawang pinakamataas na voter turnout sa plebesito sa Pilipinas. Kasunod ito ng plebesito sa Compostela Valley noong 1998.

Isa pang record ayon sa Comelec ay ang naitalang 711,767 na bumoto.

Ito rin ang pinakamaraming bilang ng bumoto sa isang plebesito sa bansa.

]Wala ring naiulat na karahasan sa botohan kahit dati nang election hotspot ang Maguindanao.

Tiwala naman ang Comelec ng probinsya na kung kaya naman pala maging mapayapa ito, maaari itong maulit sa susunod pang halalan kung sapat ang panahon para mapaghandaan.

Samantala, abala na ang mga taga-provincial government para matiyak na magiging mabilis at tuloy-tuloy ang dalawang-buwang transition period.

Ang Buluan, kung saan matatagpuan ang kasalukuyang kapitolyo, ang magsisilbing kapitolyo ng Maguindanao del Sur.

Ayon kay Monina Macarongon, provincial human resources management officer, may 197 na empleyado na piniling lumipat sa Del Norte kapag nabuo na ang tanggapan doon. May 189 naman na nagsabing maiiwan sila sa Buluan.