DYARYO TIRADA

MGA ‘NAG-ARAL’ SA SABUNGAN, NAILIPAT NA

Kitoy Esguerra

Inihayag ng Department of Education (DepEd) na nailipat na rin sa wakas sa ibang temporary learning spaces ang mga mag-aaral na gumamit ng isang dating sabungan bilang silid-aralan sa muling pagbubukas ng face-to-face classes sa bansa.

Ayon kay DepEd spokesperson Atty. Michael Poa, may nagpahiram na ng ilang temporary learning spaces sa bayan ng Mulanay sa Quezon.

"Ngayon nga po ay na-relocate na rin natin yung mga, ating mga learners from yung mga sports center, at nakapag-identify na po sa tulong din ng local government unit ng around 10 other areas kung saan pwede maging temporary learning center o temporary learning space po ng ating mga learners," sabi ni Poa.

"Kasama po dyan yung covered courts, tsaka barangay clinic, barangay hall, mga ganyan pong mga lugar ang binigay sa'tin ng LGU," dagdag niya.

Sinabi pa ni Poa na patuloy pa rin sila sa paghahanap ng maayos at ligtas na temporary learning spaces para sa mga mag-aaral.

Una nang sinabi ni Mulanay Mayor Aris Aguirre na magpapatayo na siya ng ilang classroom para sa mga mag-aaral ng San Isidro Elementary School.

Kung matatandaan, ipinatigil ng DepEd ang pagkaklase ng ilang mga estudyante sa sports arena o sabungan sa Barangay San Isidro at ayon kay Mayor Aris Aguirre, nakatanggap siya ng impormasyon mula sa mga opisyal ng San Isidro Elementary School na pinatigil ng district head ng DepEd ang pagkaklase doon.

"Sinabi po sa akin na hindi na raw po ginagamit 'yung sports arena at pinigilan po sila ng district head na nakakasakop po sa kanila," sabi ng alkalde.

"So humihingi po sila ng tulong sa akin kasi sa palagay po nila, mas kumportable po at mas safe po 'yung mga bata sa loob ng sports arena," dagdag niya.

Hindi umano siya nasabihan ng DepEd na ipatigil ang mga klase sa sabungan.

Paliwanag ng alkalde, maaring ikinabahala ng DepEd ang naging reaksyon ng publiko at ng media nang mapabalita ang pagkaklase sa sabungan at dagdag niya, sinabihan umano ang mga guro na sa mga tent o canopy na lamang magklase, o kaya ay bumalik sa hybrid learning gamit ang mga module.

Ngunit para sa mga magulang ng mga estudyante, mas kumportable at mas ligtas umano ang kanilang mga anak sa sabungan kaysa sa mga tent dahil mainit kapag tanghali, o di kaya naman ay maari silang mabasa kapag malakas ang ulan.