DYARYO TIRADA

Herlene Budol, napikon?

Cheriel Lazo

Nananawagan ngayon si Binibining Pilipinas 2022 1st runner-up Herlene Budol sa ilang mga netizens na tigilan na ng mga ito ang pambabatikos kay Miss Manila 2020 Alexandra Abdon.

Nitong nakaraan kasi, naungkat na naman sa social media ang nakaraan nila noong magkausap sila sa "Wowowin" kung saan nag-guest si Alexandra buhat nang magwagi bilang 1st runner-up si Herlene.

Kung matatandaan, binatikos ni Miss Manila noon si Herlene kung saan sinabi niya na hindi raw qualified ang dalaga para maging beauty queen dahil sa pagiging "squammy" at "iskwater" nito.

Hindi naman daw ikinakahiya ni Herlene na nagmula siya sa lugar ng mga squatters sa Antipolo, Rizal, kaya naman marami sa mga tagasuporta ni Herlene ang rumesbak at agad na binatikos si Miss Manila. Ipinaliwanag naman nito na scripted lamang ang kanyang mga sinabi sa show.

Nagkabati rin naman ang dalawa at sa katunayan ay mayroon pa silang naging collab vlog sa kani-kanilang YouTube channels.

Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay tila hindi pa nakaka-move on ang mga netizens at binuhay ng mga ito ang isyu matapos ang coronation night ng Binibining Pilipinas 2022 noong July 31.

Pag-amin ni Herlene, talagang napikon siya noon kay Miss Manila 2020 ngunit matagal na raw 'yun at kalimutan na dapat.

"Tigilan na natin iyon, grabe naman kayo. Two years na pong nakalipas o magti-three years na. Hindi ko na po alam kasi nangyari yata iyon 2020," saad ni Herlene. "Magtu-2023 na nga po, di ba? Para sa akin, tigilan na natin yung pamba-bash natin kay Miss Manila. Ang sabi nga niya, scripted."