DYARYO TIRADA

Dapat nang ibigay

TDT

Matagal-tagal na ring nagtitiis ang ilang mga health workers sa bansa na hanggang ngayon ay hindi pa rin nakatatanggap ng kanilang allowances na matagal na nilang hinihintay habang nakikipaglaban sa COVID-19 pandemic.

Kaya naman ang panawagan ngayon ng ilang grupo, kailangang unahin muna ng Marcos administration ang pagbayad ng mga nakabinbin na allowance ng ilang health workers.

Ang pahayag ng ilang mga grupo ay kasunod ng pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos na taasan ang bilang ng mga nurse na puwedeng mag-abroad.

Ayon sa Alliance of Health Workers, umaasa sila na uutusan ni Marcos ang Department of Health at Department of Budget and Management na ilabas ang budget at ipamigay na ito.

"Sa kabuuan siguro almost mga 60 percent ng mga health workers ang hindi nakakatanggap. Kaya malungkot at demoralized ang ating mga health workers," sabi AHW National President Robert Mendoza.

Samantala, hinimok naman ng Private Hospital Workers Alliance of the Philippines ang gobyerno na imbestigahan ang sistema ng pamimigay ng benepisyo sa kanilang hanap na nagsimula pa umano noong Bayanihan 1 Act.

"Ngayon po nagbigay po sila ng pang-January lang pong allowance. So nag-lapse na po ang batas, nag-expire na po. Yun na nga po ang pinagtataka namin, meron pong discrimination kaya nga po doon sa aming mga kahilingan, i-liquidate, imbestigahan ang sistema ng pamimigay ng ayuda sa lahat ng healthcare workers," saad ni PHWAP spokesperson Jao Clumia.

Unang nabanggit ni Marcos na hindi sapat ang mga nakukuhang benepisyo ng mga health worker, at nangakong magiging bukas ang kaniyang opisina para makipagdayalogo at tugunan ang mga matagal nang isyu ng mga nurse sa bansa.

Nirerepaso na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang kautusan sa deployment cap ng mga Pilipinong nurse sa ibang bansa, kasunod ng pahayag ni Marcos.

Sana naman ay hindi makalimutan ng kasalukuyang administrasyon ang kanilang obligasyon sa ating mga health workers, dahil buhay ang kanilang itinataya sa pagharap nang patuloy na banta ng COVID-19 sa bansa.

Hindi biro ang sakripisyong ginagawa ng ating mga health workers, kaya naman sana ay maibigay na ang kanilang mga allowances.